POSIBLENG dumami ang bilang ng mga lugar sa Luzon at Visayas na isasailalim sa state of calamity dulot ng pananalasa ng Bagyong Goring, Hanna at Habagat.
Ito ang iniulat ni National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) spokesperson Edgar Posadas.
“We expect po na ito’y posibleng tumaas kasi we have some more LGUs contemplating on declaring [a state of calamity,” anang opisyal.
Sa ngayon, ayon kay Posadas, idineklara na nasa state of calamity ang bayan ng Pototan sa Iloilo at bayan ng Sibalom sa Antique.
Kaugnay nito, inulat ng NDRRMC na dalawa katao na ang nasawi habang isang ang nasaktan at isa naman ang nawawala sanhi ng bagyong humagupit sa Luzon at Visayas region.
Ayon kay Posadas, kasalukuyan pang bina-validate ang mga naiulat na nasawi na mula sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Western Visayas.
Hindi kasama sa nasabing ulat ang babaeng teenager na nasawi matapos na mabagsakan ng malaking tipak ng bato ang kanilang bahay sa Dumangas, Iloilo nitong Sabado na ikinasugat din ng 10-anyos na kapatid ito.
Ayon sa pulisya, naghuhugas ng pinggan sa kanilang kusina ang 19-anyos na babae nang biglang bumagsak ang malaking bato at nadaganan ito at nasaktan naman ang kanyang kapatid matapos matamaan ng mas maliliit na bato.
Base sa salaysay ng nasugatang menor de edad na may narinig sila na parang nahuhulog na mga maliliit na bato kaya lumabas ng bahay ang iba pa nilang kapatid pero naiwan sa loob ang kanilang ate na naghuhugas ng pinggan.
Inabot nang 5 oras at kinailangan pang gumamit ng backhoe para makuha ang katawan ng nasawing dalaga.
Samantala sinabi pa ni Posadas, nasa mahigit 418,000 indibidwal sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang apektado dahil sa sama ng panahon.
Sa datos ng NDRRMC, nasa 114,000 pamilya mula sa 1,469 barangays ang apektado.
Nilinaw naman ni Posadas na ang mga apektadong indibidwal ay pinagsama na sa epekto ng Goring, Hanna at Habagat.
Nasa P130 million na ang tinatayang damages sa imprastraktura at nasa halos kalahating bilyon naman ang winasak sa sektor ng agrikultura.
VERLIN RUIZ