NAKAKARANAS ngayon ng tuloy tuloy na mga pag ulan, pagbaha at landslides sa maraming lugar sa bansa bunsod ng tatlong weather system na umiiral sa kasalukuyan.
Unang inihayag ng PAGASA ang tatlong weather systems na kasalukuyang nakakaapekto sa bansa at nagdadala ng mga pag-ulan sa ilang lugar.
Ayon sa PAGASA, kabilang dito ang shear line, easterlies at ang inter tropical convergence zone o ITCZ na kasalukuyang nararanasan ngayon sa maraming bahagi ng Mindanao na nagdudulot ng pagbaha at pagguho ng lupa nitong nakalipas na dalawang araw bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan.
Sa Davao de Oro, maraming pamilya ang inilikas sa Barangay Tuboran sa bayan ng Mawab dahil sa baha.
Tumama rin ang landslide sa ilang lugar sa bayan gaya sa national highways sa Barangay Tuboran at Barangay Sawangan, at mga sitio sa Barangay Malinawon.
Sa Sarangani, halos 2 oras naman na-stranded kamakalawa ng gabi ang ilang motorista sa highway sa Alabel dahil sa hanggang tuhod na baha.
Nagpadala ang provincial disaster office ng rescue team sa lugar para ilikas ang mga residenteng malapit sa highway sa Barangay Kawas at Ladol.
Sa General Santos City, nasira ang isang bahagi ng kalsada dahil din sa baha. Umapaw umano ang tubig mula sa sapa sa Purok Guadalupe na dahilan ng pagkasira ng ilang imprastruktura.
Ilang araw nang umuulan sa Mindanao na ayon sa state weather bureau na PAGASA ay dahil sa intertropical convergence zone.
Tatlong weather systems ang kasalukuyang nakakaapekto sa bansa at nagdadala ng mga pag-ulan sa ilang lugar, ayon sa PAGASA.
Ang shear line o ang linya kung saan nagtatagpo ang northeasterly wind flow at ang easterlies ay nakaapekto sa Hilagang Luzon at nagdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Cagayan Valley, Apayao at Ilocos Norte.
Habang ang ITCZ naman o ang lugar kung saan nagtatago ang hangin mula
sa northern at southern hemisphere ang siya namang magdadala ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Visayas, Mindanao, Masbate at Sorsogon.
Samantala, ang easterlies o ang mainit na hangin mula sa Karagatang Pasipiko, at ang localized thunderstorm ang dahilan ng pag-ulan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.
Bukod dito, binabantayan din ngayon ng PAGASA ang isang low pressure area (LPA) na inaasahang tatawid sa Visayas, Mindanao at Palawan mula pa kahapon hanggang Huwebes. VERLIN RUIZ