(Sa mabilis na pagbaha) MMDA, DPWH KINALAMPAG

bong revilla

NANAWAGAN si Senador Ramon Bong Revila Jr. sa pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na tukuyin kung bakit mas mabilis ang pagbaha ngayon kumpara dati at napakabagal naman ng paghupa.

Ito ay matapos na ipinagmamalaki ni DPWH Secretary Manuel Bonoan sa pagdinig sa Senado kamakailan na handang-handa ang kanilang ahensiya maging ang mga pumping station sa buong National Capital Region (NCR) na may “100 percent” capacity para sa tag-ulan.

Ang pahayag ni Revilla ay makaraang lumubog na naman sa baha ang maraming lugar sa Metro Manila na naging sanhi ng maghapong pagsisikip ng trapiko dahil maraming kalye ang hindi madaanan lalo na ng mga maliliit na sasakyan.

“Hinahanap kasi ng mga tao ‘yung sinasabi ng DPWH na kabuuang 13,224 flood control structures na inihanda nila sa buong bansa, hindi na dapat kasi nangyayari ang ganitong problema kaya dapat ayusin sa lalong madaling panahon.” ani Revilla.

Sinabi rin ng senador na pinakamalala ang naging sitwayon sa kahabaan ng South Luzon Expressway (SLEX) na halos maghapong hindi umuusad mula bukana ng Laguna na humaba hanggang Crossing, EDSA ang hindi umuusad na mga sasakyan.

Dahil ito sa may mga mabababang bahagi ng kalsada na lubog dulot ng sobrang bilis na pagtaas ng tubig kahit hindi naman malakas ang ulan at hindi agad humuhupa na posibleng barado ang mga daluyan ng tubig-baha.

Ani Revilla, maraming galing sa mga lalawigan patungong Manila ang nagpasya ng kumain sa loob ng sinasakyang bus dahil sa gutom at napakarami ang mas minabuti pang maglakad patungong EDSA dahil hindi umuusad ang mga sasakyan.

“Tukoy na kung saan-saan ‘yang mga binabahang parte na ‘yan at hindi natin maiiwasan ang mga pagbaha pero dapat ay pagtigil ng ulan ay mabilis din ang paghupa, kaya dapat na itong aksiyonan” pahayag ni Revilla.

Si Revilla na siyang chairperson ng Senate Committee on Public Works ay labis na nag-aalala sa kalagayan ng mga motorista at mananakay na paulit-ulit na nahihirapan tuwing bumubuhos ang ulan.

“Nag-aalala kasi ako dahil patuloy na magdadala pa ng mga pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha ang low pressure area (LPA) at ang southwest monsoon o habagat sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na posibleng tumagal pa ng ilang araw” pagwawakas ni Revilla.

-VICKY CERVALES