NAKAANTABAY ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa magiging epekto ng Tropical Depression “Amang” sa Bicol Airport para sa kaligtasan ng kanilang mga tauhan at pasahero.
Ang tropical depression Amang ay kasalukuyang nananalasa sa Bicol region, kung kaya’t inatasan ng CAAP ang kanilang mga tauhan sa Bicol na maging handa sa sasapitin ng paliparan.
Ayon Kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, inalerto na rin ang kanilang mga personnel sa iba pang paliparan na maaring daanan ng bagyong ito.
Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensiyang sa mga airlines company na maging alerto at kanselahin ang mga flight sa lugar na maaring daanan ng bagyong si Amang.
Pinapayuhan din ang mga pasahero na antabayanan ang anunsyo ng CAAP at mga airlines tungkol sa sasapitin ng kanilang flight.
Batay sa impormasyon, inaasahan na dadaan ang bagyong si Amang sa mga lugar ng Bulan, Sorsogon, Daet, Masbate, Naga at Virac. FROILAN MORALLOS