(Sa magkasunod na operasyon) P3.858-M ‘KUSH’ NAHARANG NG BOC-CLARK

NASABAT ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark ang 2,100 gramo na nagkakahalaga ng P3.150 million at 472 gramo ng high grade “Kush” marijuana na may halagang P708,000 sa dalawang magkasunod na operasyong isinagawa ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-AVSEG) National Bureau of Investigation (NBI) Pampanga District Office, Department of Justice (DOJ) at mga lokal na opisyal ng Brgy. Dau, Lungsod ng Mabalacat nitong Nobyembre 9 at 10.

Ayon sa ulat, ang naunang shipment na dumating noong Oktubre 21 at idineklarang “4Seasons Camping Sleeping Bag, Weatherproof Portable with Compression Sack Adult 82x40x3” ay sinala ng X-ray Inspection Project (XIP) ng BOC matapos makakita ng kahina-hinalang imahe.

Natagpuan ang dalawang Joog bag na may lamang vacuum-sealed na transparent pouch na naglalaman ng tuyong dahon at mga bulaklak ng “Kush”.

Samantala, muling nalambat ng operatiba ang “Kush” na idineklarang “Mens Vintage Threads Jean Straight Leg Fit (30/34) Girls”.

Ang shipment na dumating noong Oktubre 25 ay napansin ng X-ray Inspection Project at natuklasan ang dalawang transparent plastic pouch na naglalaman ng jelly-like na texture at bulaklak ng marijuana.

Nag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention laban sa padala dahil sa paglabag sa Sections 118(g), 119(d), at 1113 (f), (i), at (l)(3 at 4) ng R.A. No. 10863 (CMTA) na may kaugnayan sa R.A. No. 9165.

Samantala, nanindigan si Commissioner Bien Rubio sa kanilang laban kontra smuggling at illegal drugs. RUBEN FUENTES