(Sa Maguindanao massacre) 2 AKUSADO PINALILIPAT SA CAMP BAGONG DIWA 

CBD

IPINAG-UTOS ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 na ilipat sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang dalawa pang akusado sa Maguin­danao massacre na nahuli kamakailan.

Nagpalabas agad ng commitment order si Judge Jocelyin Solis-Reyes na mula sa Paranga Municipal Police Station sa Maguindanao na dalhin agad ang dalawang akusado na sina Kagi Faizal alias “Faizal Baga Dimaukom” at Gambayan Kasim alias “Lori Alip” sa Quezon City Jail Annex sa Camp Bagong Diwa, Taguig.

Nagpalabas din na kautusan si Reyes na kinakailangan na ang dalawang akusado ay humarap sa kanilang arraignment na nakatakda  ngayong araw dakong alas-9:00 ng umaga.

Si Faizal ay naaresto noong Ene­ro 6 samantalang si Kasim ay nahuli nitong Enero 9.

Ayon sa korte ang pagkakaaresto sa dalawang akusado ay na­ngangahulugan na ang kasong multiple murder case na isinampa sa lahat ng akusado sa Maguindanao ay mu­ling bubuhayin.

Matatandaan na ang mga miyembro ng pamilya ng  Ampatuan at ilang akusado ay napatunayang nagkasala sa kasong multiple murder na tinaguriang Maguindanao massacre at 58 katao ang namatay kasama ang 32  journalists. MARIVIC FERNANDEZ