(Sa mahihirap na bansa) 9 SA 10 KATAO LANG ANG MABABAKUNAHAN VS COVID-19

bakuna

POSIBLENG  hindi mabigyan ng bakuna kontra COVID-19 ang siyam sa bawat sampung indibiduwal mula sa mga mahihirap na bansa.

Ito ang inihayag ng People’s Vaccine Alliance, bunsod anila ng pag-hoard o pag-iimbak ng sobra-sobrang suplay ng mga mayayamang bansa.

Ayon sa grupo, nabili na ng mga mayayamang bansa ang 53% ng kabuuang stock ng mga malilikhang bakuna hanggang noong Nobyembre.

Iginiit ng grupo na dapat ibahagi ng mga pharmaceutical companies ang kanilang teknolohiya para mas marami pang bakuna kontra COVID-19 ang malikha.

Kamakalawa ay naturukan na sa kauna-unahang pagkakataon ng COVID-19 vaccine ang isang 90-anyos na lola sa United Kingdom.

Ang ginamit na vaccine ay gawa ng Pfizer-BioNTech na itinurok ng Filipino nurse na si May Parsons kay Margaret Keenan  sa University Hospital Coventry.

Ayon kay Parsons, isang karangalan na siya ang napiling mag-administer ng kauna-unahang bakuna sa COVID-19 at masaya siya na naging bahagi siya ng kasaysayan sa panahon ng pandemya.

BAKUNA BAWAL SA MAY ALLERGIES

Bawal sa may mga allergies ang bakuna kontra COVID-19 na binuo ng Pfizer-BioNtech

Ito ang naging babala ng health authorities mula sa United Kingdom (UK) matapos simulan ang COVID-19 mass vaccination sa kanilang lugar.

Sa abisong inilabas ng UK National Health Service,  nakitaan ng anaphylactic reaction o severe systemic allergic reaction ang dalawang staff members na mayroong history sa mga allergic reactions matapos maturukan ng COVID-19 vaccine.

Dahil dito, sinabi ng Medicines and Healthcare Products Regulatory Agency (MHRA) na normal lang naman ang ganitong reaksyon lalo na sa mga bagong gawang bakuna, ngunit minamabuti na nilang irekomenda na huwag na itong ibigay sa mga taong may allergies, may dating kaso ng anaphylactoid reaction at sa mga taong gumagamit ng adrenaline auto-injector.

Sa ngayon, nasa mabuti na namang kalagayan ang dalawang staff members, habang iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad ang nasabing report. DWIZ882

Comments are closed.