(Sa malalaking pagamutan para sa COVID patients) BED CAPACITY NASA HIGH-RISK LEVEL NA

NASA ‘high risk’ level na rin ang bed capacity ng malalaking pagamutan sa Metro Manila para sa mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ito ang kinumpirma kahapon ni Department of Health (DOH) Undersecretary Leopoldo Vega.
Ayon kay Vega, sa mga level 3 hospitals o yaong mga pagamutan na may malalaking kapasidad o medical centers, ang occupancy rate para sa COVID beds at COVID isolation beds ay nasa 74% hanggang 76% na.

Samantala, ang mga level 2 hospitals naman sa Metro Manila ay nasa moderate risk na.

Anang DOH, ang mga pagamutan ay itinuturing na nasa high risk na ng kanilang occupancy rate kung umabot ito ng 70% ngunit hindi higit sa 85%.

Habang ang mga nasa moderate risks naman ay yaong ang occupancy rates ay nasa 60% ngunit hindi hihigit sa 70%.

Matatandaang pagtuntong ng Marso ay muling dumami ang bilang ng mga pasyenteng tinatamaan ng COVID-19.

Malaking bilang nito ay nasa National Capital Region (NCR) na nakapagtala ng 46,969 kaso nito lamang nakalipas na dalawang linggo.

Batay sa datos mula sa COVID-19 tracker ng DOH, ang Metro Manila rin ang may pinakamataas na total COVID-19 cases na nasa 301,519 na. Ana Rosario Hernandez

One thought on “(Sa malalaking pagamutan para sa COVID patients) BED CAPACITY NASA HIGH-RISK LEVEL NA”

Comments are closed.