(Sa March billing – ERC) MERALCO MAGBIBIGAY NG REFUND

KINUMPIRMA ng Energy Regulatory Commission (ERC) na magkakaloob ang Meralco ng refund na 4 hanggang 5 centavos per kilowatt-hour (kWh) sa March billing ng mga customers.

Ito ay upang isauli ang unverified increase sa charges mula sa natural gas na binili ng isang Meralco supplier.

Ayon kay ERC Chairperson Mona Dimalanta, ang pagtaas sa presyo ng imported natural gas, na nasa 30 hanggang 35 centavos per kWh at ipinasa sa Meralco consumers sa February billing, ay hindi kasama sa refund.

Ang Meralco ay naghain ng petisyon upang tanungin ang ERC kung kinakailangan din nitong isauli ang naturang halaga subalit sinabi ni Dimalanta na kailangan pa nitong dumaan sa  hearing.

Aniya, posibleng madesisyunan ito sa Abril.

Samantala, tiniyak ng Department of Energy (DOE) sa mga consumer ang sapat na suplay ng koryente sa buong summer.

Ayon sa DOE, walang inaasahang yellow o red alerts, base sa iba’t ibang simulations na isinagawa ng ahensiya.

Sa kabila nito, muling nanawagan ang ahensiya sa mga consumer na magtipid sa koryente.

“If they go beyond their consumption, of course, we will have a problem and that’s why we’re saying let’s maintain our conservation such as that we will have no loss of energy,” sabi ni DOE Usec.Rowena Cristina Guevarra.

Hinimok din ni Energy Secretary Raphael Lotilla ang mga ahensiya ng pamahalaan na magtipid sa koryente. “’Yung gobyerno mismo ang magiging modelo para sa energy efficiency and conservation kaya inuna natin ang gobyerno para naman makita ng pribadong sektor at mga consumers na ginagawa natin ang lahat para ang consumption ng gobyerno ay mapababa.” ani Lotilla.