INIHAYAG ng Department of the Interior ane Local Government (DILG) na nais nitong paamyendahan ang umano’y depektibo na “Republic Act (RA) 7160 o ang Local Government Code of 1991.
Ito ay upang matugunan ang mga problema at hamon na kinakaharap ng mga local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng mga proyekto at paghahatid ng mga serbisyo, saad ni interior Secretary Benjamin Abalos Jr. .
“Ang lahat ng barangay road, dapat ang gumastos barangay, ‘yun ang nasa Local Government Code. Ang lahat ng eskwelahan ay pananagutan ng mga lungsod at munisipyo, sila ang magpapagawa. Ang Local Government Code ay responsable para sa mga paaralan sa kanilang mga lugar, sila ang magpopondo sa pagtatayo nito,” sabi ni Abalos na binanggit na ang ilang mga lugar, lalo na ang ika-5 at ika-6 na klase na munisipalidad ay hindi kailangang pondohan ang mga proyekto.
Kaugnay nito, sinabi ni Abalos na inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., isang dating gobernador ng Ilocos Norte, ang lahat ng kinauukulang ahensya na gumawa ng solusyon sa mga problemang ito.
Sinabi ng DILG chief na kabilang sa mga pag-amiyenda sa mahigit tatlong dekada nang batas na kanilang inirekomenda ay pondohan ng pambansang pamahalaan ang mga construction projects ng educational facilities.
“Mga solid waste management (problems), mga tapunan ng basura, probinsya ba ito, munisipyo ba ito. Ang problema, saan mo itatapon, ” ani Abalos.
Idinagdag pa ni Abalos na nakikipagtulungan sila sa Union of Local Authority of the Philippines (ULAP) upang tugunan ang mga alalahaning ito na nauugnay sa “tamang” devolution ng mga tungkulin mula sa pambansang pamahalaan patungo sa mga LGU.
“‘Yung ospital, nakalagay dyan (Local Government Code) lahat ng provinces must have a tertiary hospital pero di lahat mayaman, may mga probinsya na di kaya, kaya eto sinabi namin, baka pwede ang national na rin,” dagdag pa ng Kalihim.
Nagpahayag din si Abalos ng pag-asa na susuportahan ng mga mambabatas ang mga pagbabagong ito sa batas.
EVELYN GARCIA