(Sa May 2025 elections) BILANG NG MGA DI MAKABOBOTO NADAGDAGAN

Nagdagdagan pa ang bilang ng mga botanteng posibleng hindi makaboto sa 2025 midterm elections matapos ma-deactivate sa official voter’s list ng Commission on Elections (Comelec).

Base sa pinakabagong datos nitong Agosto 2 mula sa Comelec, mayroong kabuuang 5,216,625 botante ang na-deactivate sa listahan habang kabuuang 487,721 botante ang nabura na ang kanilang pangalan dahil patay na at ang ilan ay dahil sa multiple at double registration.

Una rito ay ipinaliwanag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ilan sa mga dahilan ng deactivation ng mga botante mula sa listahan ay dahil sa kabiguang bumoto sa dalawang magkasunod na regular elections, kawalan ng Filipino citizenship sa bisa ng court order at walang valid documents.

Muli namang nagpaalala ang poll body sa mga deactivated voters na mag-apply para sa reactivation bago ang halalan sa Mayo 2025.