(Sa Metro Manila) MGA BATA PUWEDE NA SA MALLS

MAAARI na ngayong lumabas ng bahay at mamasyal ang mga bata sa National Capital Region.

“Pinapayagan na po lumabas ang mga bata sa Metro Manila under Alert Level 2. Puwede na ang intrazonal at interzonal movement,” pahayag ni Presidential spokesperson Harry Roque sa isang virtual briefing.

Gayunman ay nilinaw ni Roque na maaari pa ring magpatupad ang mga lokal na pamahalaan ng “reasonable restrictions” na hindi dapat mas mahigpit sa mga panuntunan sa ilalim ng Alert Level 2.

Sa ilalim ng naturang alert level, ang mga bata ay pinapayagan din sa indoor establishments kasama ang fully vaccinated individuals, anuman ang kanilang sariling inoculation status.

Maaari na ring magbukas ang mga perya at kid amusement industries tulad ng  playgrounds, playrooms, at kiddie rides sa ilalim ng Alert Level 2.

Bago ang Alert Level 2, tanging ang mga minor at nabibilang sa vulnerable sectors lamang ang pinapayagan sa outdoors para sa essential activities.

Ang intrazonal at interzonal travel ay pinayagan din “subject to reasonable restrictions based on age and comorbidities as determined by local government units” sa ilalim ng Alert Level 3.

Inanunsiyo ng Palasyo noong Huwebes ang pagluwag ng NCR sa Alert Level 2 mula Nobyembre 5 hangggang 21 sa gitna ng pagbaba ng kaso ng COVID-19.