UMABOT sa P420 ang presyo ng kada kilo ng baboy sa mga pamilihan sa Metro Manila base sa pinakahuling monitoring ng Department of Agriculture (DA).
Ang retail price ng pork belly o liempo ay nasa P340 hanggang P420 kada kilo mula sa P400 kada kilo noong Mayo 20.
Dahil dito, sinabi ni Agriculture Undersecretary for Livestock Deogracias Victor Savellano na dapat nang magsagawa ng imbestigasyon ang mga kinauukulang ahensiya para matukoy ang mga negosyanteng sangkot sa overpricing.
Samantala, sa kabila ng pagdami ng mga lugar na apektado ng African swine fever, nananatili pa ring sapat ang suplay ng baboy.
Ayon kay Savellano, bukod sa DA, dapat ay inspeksiyonin na rin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga trader na posibleng sangkot sa overpricing. Duda niya ay may ibang traders ng nagsasamantala sa ibang lugar na dahilan ng pagtaas ng presyo ng swine products.
Sinabi rin ni Savellano na dapat malaman ng publiko na marami pa ring bilihan ng may mababang presyo ng karne ng baboy.
“Minsan ang difference P50, P100. We have enough supply. Tapos hindi naman bumaba ang presyo. Kaso may mga traders nagti-take advantage e. So ise-set natin ‘yung mga ano. Pagpunta natin sa mga lugar. Kasi ang farm gate mababa naman. Huwag sila magtake-advantage sa mga consumers natin,” sabi ni Savellano.
Ayon kay Alfred Ng, vice president ng National Federation of Hog Farmers Incorporated, bukod sa mga nangangamatay na baboy, isa sa karaniwang epekto ng sobrang init ng panahon sa mga baboy ay ang hindi paglaki ng mga ito.
At dahil pa rin sa mainit na panahon ay apektado rin ang presyo ng pagkain ng mga baboy tulad ng mais kung saan umabot na sa P3.17 billion ang pinsala.
“Instead of being able to grow them 250, 220 kilos e ngayon siguro parang 90 to 100, masuwerte na. Napakahirap. Mahal pa ‘yung feeds. Siyempre, ang chances are, ‘yung mga farmers kahit maliliit ‘yung baboy pag ka nasa sapat na age na ‘yun, ilalabas na rin nila,” sabi ni Ng.
MA. LUISA MACABUHAY- GARCIA