BENTE-KUWATRO oras na naka-alerto ang mga tauhan ng Philippine Air Force (PAF) na patuloy na nagsasagawa ng round the clock air transport ng relief goods na ipinamamahagi sa Central at Eastern Mindanao kasunod ng ulat ng mga biktima ng magka-kasunod na lindol na namamalimos na ng tulong sa mga lansangan.
Una rito, itinalaga ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Defense Secretary Delfin Lorenzana para personal na pangasiwaan ang relief operation sa mga apektadong lugar na magkakasunod na tinamaan ng malakas na paglindol.
Sa direktibang inilabas ni Executive Officer in Charge, Executive Secretary Salvador Medialdea, kanyang inaatasan si Defense Secretary Delfin Lorenzana na pangunahan ang relief efforts upang matiyak ang kaligtasan ng residente roon kasunod ng mga pagyanig.
Kaugnay nito, inalerto ang buong puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga magaganap na Humanitarian Assistance and Disaster Response sa area ng Mindnao.
Ayon kay PAF Commander LtGen. Rozzano Briguez, nasa kabuuang 17,000 lbs ng mga relief item gaya ng gamot, food packs, tents at iba pang mga kagamitan na donasyon ng iba’t ibang government and non-government agencies ang naihatid na sa Davao, Cotabato at General Santos City.
Sa impormasyong ibinahagi ni PAF Spokesman Major Aristides Galang, simula pa noong Undas ay naghakot at naghatid na sila ng mga nasabing relief items gamit ang PAF C-130 cargo plane.
Dahil naman sa kakulangan ng maiinom ng tubig, nagpadala ang Office of the Civil Defense ng portable filtration units at iba pang relief items na inilipad via PAF C295 mula Villamor Air Base patungong Davao City kamakalawa, Nobyembre 2, 2019.
Sa kabilang dako, ang PAF’s B412 CUH naman ay nagsagawa ng aerial reconnaissance kahapon bandang alas-11:00 ng umaga sa bahagi ng Sitio Kapatagan, Barangay Luayon sa Makilala, Cotabato kung saan nasa 90 pamilya ang pinaniniwalang na stranded dahil sa nangyaring landslides. VERLIN RUIZ
Comments are closed.