(Sa mga biktima ng lindol) SHELTER TEAM NG DHSUD INACTIVATE

SARANGANI- PINAKILOS na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang shelter cluster teams sa mga apektadong rehiyon sa Mindanao kasunod ng magnitude 6.8 na lindol na tumama sa lalawigan ng Sarangani nitong Biyernes.

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar tugon ito sa NDRRMC Circular kung saan inatasan nito si Undersecretary for Disaster Response Randy Escolango na maglabas ng memorandum para sa activation ng shelter teams.

Kabilang sa mga pinaka-apektadong lugar ay ang Regions 11 (Davao Region) at 12 (Soccsargen Region) base sa datos ng NDRRMC at hindi bababa sa 74 na bahay sa Regions 11 at 12 kung saan nasa 55 ang partially damage at 19 naman ang totally na nasira dahil sa tumamang tectonic quake.

Partikular na inatasan ni Escolango ang mga apektadong tanggapan ng rehiyon na mahigpit na subaybayan ang nasasakupang lugar upang matugunan ang kinakailangang tulong.

“Bukod dito, ang lahat ng mga Regional Director ay inaatasan na makipag-ugnayan sa kani-kanilang Shelter Cluster Members sa loob ng kanilang mga rehiyon at magpulong gamit ang lahat ng magagamit na paraan,” dagdag pa nito.

Ang mga apektadong DHSUD-Regional Offices ay inatasan din na magsumite ng pang-araw-araw na ulat ng sitwasyon sa DHSUD Central Office para sa migration shelter na grade tarpaulin para ipamahagi sa mga apektadong pamilya. PAULA ANTOLIN