MINDANAO- NADAGDAGAN pa ang mahigit P3.2 milyong halaga ng tulong sa mga pamilya at indibidwal na apektado ng pagbaha sa rehiyon ng SOCCSKSARGEN dahil sa malakas na pag-ulan na dala ng Inter Ang Tropical Convergence Zone (ITCZ).
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang tulong sa mga biktima ay ipinadala bilang resource augmentation sa kinauukulang local government units (LGUs) sa mga lalawigan ng Cotabato at Sarangani.
Patuloy na nagsasagawa ang DSWD Field Office (FO) XII ng aktwal na validation at monitoring sa mga apektadong pamilya at profiling ng Internally Displaced Persons (IDPs) sa loob ng evacuation centers.
Batay sa ulat, nasa kabuuang 19,124 pamilya o 92,319 katao mula sa mga munisipalidad ng Kabacan, Pikit, at Glan ang naapektuhan ng gulo ng panahon.
Samantala nasa 251 pamilya o 612 katao ang pansamantalang nananatili sa evacuation center sa munisipyo ng Glan, Sarangani province.
Sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez na patuloy na naghahatid ang Kagawaran ng family food packs (FFPs) at iba pang relief items sa mga lugar na naapektuhan ng baha.
Sa kasalukuyan, ang Field Office XII ay mayroong stockpile na 32,313 FFPs na nagkakahalaga ng P22.1 milyon bilang resource augmentation sa mga apektadong LGUs. PAULA ANTOLIN