SISIMULAN na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagtatayo ng temporary shelter para sa mga biktima ng bagyong Agaton sa sandaling aprubahan ito ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Pinangunahan ni NDRRMC Chairperson at Defense Secretary Delfin Lorenzana ang ginawang pagpupulong ng NDRRMC , Office Civil Defense at mga attached agencies para talakayin ang iminumungkahi na pagtatayo ng temporary shelter para sa affected families .
Ang AFP ang siyang naatasang magdedeploy ng mga tauhan na gagawa para sa konstruksiyon ng panukalang temporary shelters habang DILG ang aayos para sa compliance ng Baybay at Abuyog LGUs para sa relocation program.
Layon ng nasabing panukala na mabilis na matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya partikular sa bayan ng Abuyog at Baybay na lubhang nasalanta ng bagyo at nagtala rin ng mahigit sa 200 nasawi at mahigit 100 nawawala pa.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Usec Ricardo Jalad na napagkasunduan ng council na ang OCD ang siyang mag provide ng construction materials at pondohan ang nasabing proyekto.
Ang Department of Environment and Natural Resources – Mines and Geosciences Bureau, ang inatasan na magsagawa ng site assessment kung saan itatayo ang temporary shelter.
Habang ang Department of Public Works and Highways ang siyang mag handle sa site inspection, preparation para sa kaukulang site development.
Ang DSWD naman ang siyang magbibigay ng pagkain at cash for work sa mga volunteers.
Sinabi ni Jalad na target matapos ang construction ng temporary shelters sa Hunyo 10 para sa mga pamilyang nasira ang mga bahay dahil sa landslides sa Leyte.
Inihayag naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Asec. Adelio Cruz na nangako ang Chinese Government na magdodonate US$200,000 sa mga apektadong komunidad.
Kaya’t may mungkahi rin ang Department of Human Settlements and Urban Development sa NDRRMC na lumikha ng isang permanente at standard shelter program. VERLIN RUIZ