PINAG-AARALAN na ng gobyerno ang release ng 13th month pay sa mga kawani na inaasahang maaapektuhan ng one-month community quarantine sa Metro Manila.
“Kung puwede magamit na sana ang 13th month pay pambayad na dito sa isang buwan na hindi makakapagtrabaho,” ayon kay Interior Secretary Eduardo Año.
Sinabi naman ni Trade Secretary Ramon Lopez na ang pagbibigay ng 13th month pay ay para sa mga worker na hindi makakapasok sa panahon ng community quarantine.
Bukod sa release na 13th month pay, inirekomenda rin ng kalihim na i-adjust ang work schedules at i- adopt ang flexible arrangements habang dapat payagan din ang paggamit ng leave credits at iba pang pribilehiyo ng manggagawa.
LTFRB MAG-IISYU NG SPECIAL PERMIT SA PUBLIC UTILITY BUS
Maglalabas ang Land Transporation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng special permit sa mga public utility bus (PUB) para pansamantalang makabiyahe sa labas ng kanilang ruta.
Ayon sa ahensiya, ito ay bilang tugon sa biglaang pagdagsang mga pasaherong pauwi ng iba’t ibang probinsiya kasunod ng ipatutupad na community quarantine sa Metro Manila.
Kabilang sa proseso para makakuha ng special permit ay magpadala ang operator ng e-mail sa [email protected] kasama ang specifications ng mga unit at kung saan bibiyahe, kapag lumabas na valid ang unit, magbibigay ng reply e-mail ang LTFRB na matatanggap ng operator. Maaari anila itong gamitin ilang Special Permit to Operate.
Sinabi ng LTFRB na epektibo ang special permit hanggang sa araw ng Martes, March 17.
CHECKPOINT PINAIGTING
Samantala, tiniyak ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar, PNP Deputy Chief for Operation na magiging mabusisi ang pulisya sa mga checkpoint.
Umapela rin ang heneral na tiyakin ng mga papasok at lalabas sa Metro Manila sa panahon ng community quarantine na karapat-dapat lang ang kanilang mga biyahe gaya ng pagpasok sa trabaho.
Habang ipinaliwanag na ang ginagawa ng pulisya ay bilang pagbibigay ng proteksiyon sa publiko.
“We want to protect our life, samantalahin na rin natin ang oras na ito para makapagpahinga kasabay ng pag-iingat na hindi mahawa sa COVID- 19,” ayon kay Eleazar.
Nanawagan din ito sa mga pulis na maging mahinahon habang isinasagawa ang tungkulin. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM