NAGBABALA ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga overseas Filipino workers na hindi pa nababayaran ng kanilang mga employer sa Saudi Arabia na huwag makipagtransaksyon sa sinuman sa ahensya o mga nagpapanggap na ‘middlemen’.
Sinabi ni DMW Sec. Susan Ople sa isang press briefing na sila lamang ni Undersecretary Hans Leo Cacdac, at ilang kawani ng DMW ang awtorisadong magkipagtransaksyon sa claimants at maging sa mga employer sa Saudi.
“We would like to reach out to all the claimants and their families and inform them that, number one, walang middlemen dito . This is a purely government-to-government transaction and at the heart of it is ‘yung welfare ng ating affected displaced OFWs (overseas Filipino workers),” ani Ople.
Ito ay makaraang makatanggap ng ulat ang DMW mula sa mga OFW claimants na may mga indibidwal na lumapit sa kanila na nag-aalok ng tulong at namamagitan.
Sinabi ni Ople na wala pang detalye kung paano isasagawa ang pagbabayad kasunod ng bilateral talks ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr. at ni Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman sa ika-29th Asia-Pacific Economic Cooperation Summit sa Bangkok, Thailand noong Biyernes.
Nangako ang prinsipe na aakuin ng gobyerno ng Saudi ang wage claims ng nasa 10,000 displaced OFWs matapos magdeklara ng bankruptcy ang ilang construction firm noong 2015 at 2016.
Paalala ni Ople, ireport sa DMW ang sinumang nagpapanggap na staff ng ahensya at nanghihingi ng contact details , ito man ay online o tawag upang maipagbigay alam naman sa cybercrime authorities.
Sa naturang bilateral talks, nangako ang prinsipe ng 2 bilyon riyals para sa hindi nabayarang sahod ng mga OFW na nagtrabaho sa ilalim ng Saudi Oger Ltd., Mohammad Al Mojil Group at iba pang construction firms.
Base sa rekord, mayroong 8,829 claimants mula Saudi Oger at 3,454 mula naman sa Mohammad Al Mojil.
Babala ni Ople, hindi nito kukunsintihin ang sinumang empleyado ng ahensya na sangkot sa korupsyon at iba pang scammers.
Ayon sa opisyal, kung ang isang scammer ay talagang mula sa DMW, ito ay katumbas ng katiwalian ng “pinakamasamang uri” at ang nagkasala ay mahaharap sa pagkatanggal sa serbisyo. PAUL ROLDAN