IPINAG-UTOS ni Interior Secretary Eduardo Año sa Philippine National Police (PNP) na busisiin ang mga napaulat na pang-aabuso ng pulisya sa panahon ng Traslacion noong Pista ng Itim na Nazareno kabilang ang paghablot sa cellphone ng isang police general sa sa isang TV Reporter.
Nabatid na inatasan ni Año si PNP Chief OIC Lt. Gen. Archie Gamboa na imbestigahan ang mga umano’y nagawang pang-aabuso ng mga pulis sa kauna-unahang pangangasiwa ng PNP sa Traslacion sa Black Nazarene.
Nanghihinayang ang kalihim kung mababahiran ng pagmamalabis ang magandang resulta ng Traslacion na pinangasiwaan ng PNP at simbahan na nagresulta ng pinakamabilis na pag-usad ng Andas sa kasaysayan.
Kasama sa pinasisilip ni Año ang naging asal ni PBGen. Nolasco Bathan sa pag-agaw nito ng cellphone kay GMA 7 Field reporter Jun Veneracion, na umano’y nag-video ng isang komosyon sa pagitan ng pulis at deboto.
Humingi na rin ng paumanhin si Bathan sa insidente at inaming inakala niyang isang banta sa seguridad ang pambi-video ni Veneracion kaya hinablot ang gadget ng reporter.
Giit pa ni Bathan sa isang panayam na sumunod lamang siya sa direktiba sa seguridad sa Traslacion gaya nang mahigpit na pagbabantay upang hindi makasingit ang mga masasamang loob.
Nabatid na pinagsabihan na ng kalihim ang nasabing police general at nakausap na ni Año ang mamahayag na si Jun Veneracion ukol sa pangyayari at inabisuhan niya ito na magsampa ng kaso o pag-usapan na lang ang pangyayari. VERLIN RUIZ
Comments are closed.