BINAGO na ng Commission on Elections (Comelec) ang sistemang gagamitin para sa huling debate sa mga kandidato sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo.
Sinabi ni Commissioner George Garcia na base sa payo ng Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas (KBP), panel interview na ang estilo ng pagharap ng bawat kandidato.
Mula sa susunod na Lunes, Mayo 2 hanggang Biyernes, Mayo 6 ay sasalang sa tig-1 oras na panel interview ang mga kandidato sa dalawang posisyon.
Pre-taped aniya ito o hindi na gagawing live bilang konsiderasyon sa kumplikasyon sa iskedyul ng mga kandidato.
Sinabi ni Garcia na maaaring virtual o face-to-face ang pagharap ng kandidato sa panel interview at ang editing ng panayam na ilalabas sa publiko ay nasa pinal na pagpapasya ng komisyon.
Maaari aniyang sabay nang humarap sa panayam ang mga magkatambal na kandidato at nasa kanila na kung kapwa personal o virtual ang pagdalo sa aktibidad.
Inihayag pa ng opisyal ng Comelec na bukas nila ilalabas ang patakaran sa aktibidad at ngayong araw rin lamang nila ipinadadala sa mga kandidato ang abiso ukol dito. JEFF GALLOS