TIWALA ang Malakanyang na tuluyan nang matutuldukan ang korupsiyon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa bagong kondisyong itinakda para sa Small Town Lottery (STL) operators.
Ito ay matapos alisin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspensiyon sa operasyon ng STL.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, dahil sa mga bagong kondisyon na itinakda ng Pangulo, mahihirapan ang mga STL operator na ibulsa ang mga nakokolekta nitong pera mula sa kanilang mga operasyon.
Paliwanag ni PCSO General Manager Royina Garma, kabilang sa mga kundisyon na ipatutupad ng Pangulo ay ang regular na pagdedeposito ng cash bond na katumbas ng tatlong buwang PCSO share sa Guaranteed Minimum Monthy Retail Receipt (GMMRC), sa oras na mabigo ang mga STL operator na i-remit ito ay awtomatikong makakansela ang lisensiya nito para makapag-operate.
Gayunman, tiwala naman si Panelo na hindi makakaapekto ang pag-alis sa suspensyon ng STL operations sa isinasagawang imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensiya laban sa mga tiwaling PCSO officials. DWIZ 882
REGULARIZATION AT PROMOTION SA MGA KAWANI NG PCSO PINAG-AARALAN
INIHAYAG ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na pinag-aaralan ng Promotion and Selection Board ang regularization at promotion ng kanilang job-order employees.
Sinabi ni PCSO General Manager Royina Garma, aabot sa 1,679 ang empleyado ng ahensiya na kung saan 1,074 dito ay permanente habang 617 naman sumasailalim sa job order.
Ani Garma, tuloy-tuloy naman ang hiring at promotion ng mga empleyado ng ahensiya at marami na rin ang naitalaga sa mga bakanteng posisyon.
Gayunpaman, aniya, naging mabagal lamang ang proseso dahil binubusisi pa ng board ang kinakailangang minimum requirement at eligibilities ng mga nararapat na ma-promote sa posisyon.
Kaugnay nito, inihayag ni Garma na nag-comply na sila sa Commission on Audit na kung saan ay itinigil na ang pagbibigay ng malaking halaga ng allowances, bonuses at personal benefits sa mga empleyado at opisyal na aabot sa P519.925 milyon noong 2018.
At sa kasalukuyan, nirerebisa na ng ahensiya ang compensation package na nararapat na ibigay sa mga kawani.
Comments are closed.