(Sa mga lugar lamang na may mababang kaso ng COVID-19:) PAGBABALIK NG FACE-TO-FACE CLASSES, KAILANGAN ISAILALIM SA PILOT TESTING

Sen Sonny Angara-4

ANG MGA proposisyon na naghahangad na ibalik sa normal o sa face-to-face ang klase sa mga paaralan ay kailangang sumailalim muna sa masusing pag-aaral.

Ito ang sinabi ni Senador Sonny Angara hinggil sa mga naglulutangang panukala ng ilang sektor na ibalik na sa sistemang face-to-face ang pagkaklase ng mga mag-aaral.

Ani Angara, patuloy ang pananalasa ng COVID-19 sa bansa, kaya’t anumang hakbang pabalik sa normal na sistema ng bawat aspeto sa buhay ng mga Pilipino. ay kailangang pag-aralang mabuti ng mga eksperto.

Bagaman pabor din ang senador na bumalik na sa mga paaralan ang mga estudyante, mas matimbang naman aniya sa kanya ang kaligtasan at kalusugan ng mga ito.

“Gusto natin maibalik ang face-to-face classes pero nagsalita na rin si Presidente na hangga’t walang bakuna, wala munang face-to-face classes nationwide,” ani Angara.

“Kung sakali, bago tayo mag-umpisa ng nationwide rollout ng face-to-face classes, pumili tayo ng isa o dalawang probinsya muna para sa pilot testing,” dagdag pa ng senador.

Ani Angara, sa pagpili ng mga lugar na sasailalim sa pilot testing ng face-to-face classes, mahalagang ang mga ito ay may napakababang kaso lamang ng COVID-19.

Binigyang-diin din ng senador na kailangang may malakas ding health systems ang mga lugar na sasailalim dito upang matiyak na walang mangyayaring virus outbreak.

Inihalimbawa ni Angara sa pag-alinlangan nito sa face-to-face classes ang mga  nangyaring super spreader events sa iba’t ibang bansa na agad nagbalik normal sa pagkaklase. Aniya, ito ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit muling lumobo ang COVID cases sa mga bansang iyon.

Anang senador, pangunahing kapasidad dapat ng mga pamahalaang lokal na ibibilang sa mga posibleng magbukas ng normal na klase, ang pagkakaroon ng mga sapat na ospital na may kakayahang tumaguyod sa maramihang bilang ng COVID cases, sakali man

“Kung i-rollout ng DepEd itong face-to-face classes, dapat ay maingat at limitado talaga at kailangang sumailalim sa iba’t ibang kondisyon,” saad pa ni Angara. VICKY CERVALES

Comments are closed.