(Sa mga lugar na apektado ng lindol) DOLE RESPONSE TEAMS SUMUGOD SA MINDANAO 

Sec-Silvestre-Bello-III

NAGPADALA na si Labor Secretary Silvestre Bello III ng mga senior labor official at quick response team sa mga lugar sa Mindanao na tinamaan ng 6.5 magnitude earthquake, Huwebes ng umaga.

Ayon kay Bello, magsasagawa ng assessment ang naturang grupo sa lawak ng pinsala sa mga workplace at ang posibleng  displacement ng mga manggagawa sa mga apektadong lugar.

“I have sent Undersecretary Ana Dione and Assistant Secretary Benjo Santos Benavidez upang magtungo sa General Santos City, at Davao City upang pa­ngunahan ang aming regional DOLE official sa assessment ng sitwasyon doon,” ayon kay Bello.

Dagdag pa niya: “Sa darating na Linggo, personal akong tutungo sa Davao City upang ma­suri ang lawak ng pinsala at ang epekto nito sa trabaho ng ating mga kababayan.” Sinabi pa niya na kanyang isasama si Occupational Safety and Health Center  executive director Noel Binag para sa safety assessment ng mga apektadong establisimiyento.

Batay sa pinakahu­ling ulat, ilan sa mga bayan na pinakanapinsala ng 6.5 magnitude na lindol ay ang Cotabato, Kidapawan City, at mga kalapit pang lugar.

Dinagdag pa ng kalihim na wala pa silang natatanggap na ulat kaugnay sa mga manggagawa na nawalan ng trabaho sa mga apektadong lugar.

Aniya, ito ang mga pangunahing prayoridad ng mga ipinadalang response team habang nakatakda rin silang magsagawa ng profiling sa mga manggagawa.

Nagpadala na rin ng mga labor inspector upang matiyak ang pagsunod ng mga establisimiyento sa occupational safety and health standards at matiyak ang kaligtasan ng mga mang­gagawa.

Ayon sa kalihim, matapos ang assessment sa lawak ng pinsala, nakatakda na ring maglaan ang departamento ng pondo para magbigay ng emergency employment assistance sa mga apektadong manggagawa at livelihood assistance para sa mga informal sector workers.

“Nakatanggap na kami ng direktiba mula sa pangulo na mag-monitor at magbigay ng naaayong tulong sa mga bayan na apektado ng lindol. Kahit noong naganap ang unang pagyanig sa Mindanao nitong buwan, agad na rin kaming nagpadala ng grupo upang magbigay ng tulong sa mga apektadong manggagawa,” dagdag pa ni Bello. PAUL ROLDAN

Comments are closed.