(Sa mga lugar na apektado ng pagputok ng Bulkang Taal) PRICE FREEZE SA GAMOT, FACE MASKS

KASUNOD ng mga ulat na nagkaroon ng overpricing sa mga N95 mask, na naging in demand dahil sa pagsabog ng Bulkang Taal, iniutos ng Department of Health (DOH) ang ‘price freeze’ sa mga gamot at medical supplies sa mga lugar na apektado ng volcanic eruption.

Batay sa Memorandum Order No. 2020-0005, na ni­lagdaan ni Health Secretary Francisco Duque III, sakop ng prize freeze ang may 218 basic at essential medicines at medical supplies sa lahat ng lugar na apektado ng Taal Volcano eruption.

Kabilang dito ang N95 face masks na dapat umanong ipagbili lamang ng mula P45 at hindi lalampas ng P105 bawat isa;  disposable face masks na maaaring ibenta ng mula P1.10 hanggang P8, at iba’t iba pang mga gamot sa anti-asthma, antibiotics, analgesics, anti-allergies, anticonvulsants, anti-diabetics, anti-hypertensives, at iba pang medisina.

Ayon sa DOH, mandato nila na i-monitor at i-regulate ang mga presyo ng gamot at matiyak na mapoprotektahan ang mga consumer laban sa pag-sasamantala ng mga negosyante, at magdudulot upang makumpromiso ang kanilang access sa mga pharmaceutical products.

Tinukoy pa ng DOH ang Section 6 ng Republic Act No. 7581 “An Act Providing Protection to Consumers by Stabilizing the Prices of Basic Necessities and Prime Commodities and by Prescribing Measures Against Undue Price Increase During Emergency Situations and Like Occasions,” na nagsasaad ng polisiya ng estado na tiyakin ang availability ng mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan sa lahat ng pagkakataon.

Inaasahan namang magi­ging epektibo ang naturang price freeze sa buong panahon ng sitwasyon, maliban na lamang kung aalisin ito kaagad ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi naman tinukoy sa memorandum ang mga ispesi­pikong lugar kung saan epektibo ang price freeze, ngunit batay sa Section 6 ng RA 7581, isinasaad ang awtomatikong pagkukontrol ng presyo ng mga gamot sa mga lugar na deklaradong disaster area o isinailalim sa ‘state of calamity’ o nasa ‘state of emergency.’

Matatandaang una nang nagdeklara ng state of calamity ang lalawigan ng Batangas matapos na maapektuhan ng pagsabog ng bulkan.

Nagpasya naman ang DOH na magpatupad ng price freeze matapos ang mga reklamong ilang negosyante ang nagsasamantala sa ka­lamidad at biglaang nagtaas ng presyo ng kanilang mga tindang face masks particular na ang N95 mask, na umabot umano ng hanggang P300 ang presyo nang tumaas ang demand sa mga ito dahil sa paglawak ng mga naapektuhan ng ashfall.

Una naman nang siniguro ng pamahalaan na pananagutin ang mga negosyanteng mapapatunayang nagsamantala sa ka­lamidad upang kumita ng pera sa pamamagitan nang pagtataas ng presyo ng kanilang mga paninda. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.