HINDI na makatatanggap ng ikalawang bugso ng cash aid ang mahihirap na pamilya sa mga lalawigan na inalis na ang enhanced community quarantine.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang ayuda ay ipagkakaloob na lamang sa mas maraming pamilya sa Metro Manila at iba pang lugar na nananatiling naka-lockdown dahil sa COVID-19.
“Iko-consider po ang reprioritizing ng SAP (social amelioration program) cash subsidy towards ECQ areas. Ang SAP po na para sa areas na hindi na po under ECQ, siyempre ang cash subsidy ay kinakailangan na ibuhos sa mga areas under ECQ pa rin,” ani Roque.
Nauna nang tinukoy ng pamahalaan ang 18 milyong mahihirap na pagkakalooban ng cash subsidy na mula ₱5,000 hanggang ₱8,000 sa loob ng dalawang buwan upang tulungan silang makabili ng pagkain makaraang mawalan ng mapagkakakitaan dahil sa lockdown.
Sa pagtaya ng Department of Finance ((DOF) aabot sa ₱205 billion ang gagastusin sa programa.
Ani Roque, ang pamamahagi ng ayuda ay lilimitahan na lamang sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, at iba pang lalawigan na nananatili ang lockdown kasunod ng anunsiyo ni Presidente Rodrigo Duterte na palalawigin pa ito ng 15 araw.
Ang ibang high-risk areas na maaaring maging saklaw ng extended ECQ ay ang Benguet, Pangasinan, Tarlac, at Zambales subalit muli itong susuriin sa Abril 30. Ang sitwasyon sa Antique, Iloilo, Aklan, Capiz, Cebu, Cebu City, Davao del Norte, Davao City, at Davao de Oro ay titingnan ulit.
“Huwag po kayong mag-alala. Bagamat napahaba ang ating pagsasakripisyo, siguradong namang mas da-dami at mas magiging efficient ang pagbibigay ng ayuda sa atin ng gobyerno at ng pribadong sektor,” sabi pa ni Roque.
“’Yung susunod na ₱105 billion, ibubuhos na lang sa areas under ECQ… ‘Yan po ay isang mapait na desisyon na ginawa ng Presidente para itaguyod ang karapatang mabuhay ang lahat,” dagdag pa niya.