MAKATATANGGAP ng mas mataas na sahod ang mga empleyado sa pribadong sektor na magtatrabaho sa mga idineklarang holiday ngayong Disyembre.
Sa Labor Advisory No. 32, series of 2020 na nilagdaan ni Labor Secretary Silvestre Bello III, may tatlong special non-working holidays gaya ng Feast of the Immaculate Conception of Mary (Disyembre 8) Christmas Eve at New Year’s Eve at dalawang regular holidays, ang Christmas Day at Rizal Day (Disyembre 30).
Pinaalalahanan ni Bello ang mga employer na sundin ang tamang pagbibigay ng sahod sa mga nasabing holiday.
Ang itinakdang patakaran para sa Disyembre 8, 24 at 31, 2020 (special non-working holiday) ay ang mga sumusunod: Para sa empleyadong hindi magtatrabaho, ang polisiyang “no work, no pay” ang ipatutupad maliban na lamang kung may ibang polisiya ang kompanya o collective bargaining agreement (CBA) na nag-aatas na bigyan sila ng sahod para sa mga nasabing special day.
Sa trabahong ginawa ng special non-working holiday, babayaran ang empleyado ng karagdagang 30% ng kanilang basic wage para sa unang walong oras at kung ang trabahong ginawa na mahigit sa walong oras (overtime work), babayaran ang empleyado ng karagdagang 30% ng kanyang hourly rate sa nasabing araw.
Gayundin, kung ang empleyado ay nagtrabaho sa nasabing special holiday at ito rin ay araw ng kanyang pahinga, dapat silang bayaran ng karagdagang 50% ng kanilang basic wage para sa unang walong oras ng trabaho. At kung overtime work ng special holiday at araw ng kanyang pahinga, babayaran sila ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate sa nasabing araw.
Para sa Disyembre 25 at 30 na regular holiday, ang mga sumusunod na patakaran ang dapat sundin: Kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho, tatanggap siya ng 100% ng kanyang sahod para sa nabanggit na mga araw samantalang kung ito ay nagtrabaho ng regular holiday, babayaran ang empleyado ng 200% ng kanilang regular na sahod para sa unang walong oras.
Sa overtime work (trabahong ginawa ng mahigit sa walong oras), dapat silang bayaran ng karagdagang 30% ng kanilang hourly at kapag nagtrabaho ng regular holiday at araw ng kanyang pahinga, babayaran sila ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate na 200%.
Gayunpaman, dahil sa umiiral na national emergency dulot ng pandemyang COVID-19, ang mga establisimiyento na nagsara o tumigil ng operasyon sa panahon ng community quarantine ay hindi kinakailangang magbayad ng itinakdang holiday pay para sa Disyembre 25 at 30, 2020 batay sa nasabing advisory. PAUL ROLDAN
Comments are closed.