MARAMI sa atin ang nag-aalala dahil sa mga bagay na hinaharap ng mundo ngayon. Nariyan ang mga epekto ng digmaan, ang banta ng mga sandatang nukleyar, at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at mga bilihin. Kahit na mga bata ay hindi nakaligtas sa alalahanin. Nakakalungkot sapagkat kamakailan, isang kakilala ang dumaing na mayroong sintomas ng anxiety ang kanyang batang anak na babae.
Bukod pa rito, lumalabas pa lamang tayo sa dalawang taong krisis na dulot ng pandemya, at ang ating bansa ay nahaharap sa isang eleksyong maglalagay sa ating lahat, ilang linggo na lamang mula ngayon, sa ilalim ng isang bagong administrasyon.
Kinakaharap din ng mundo ang mga epektong dala-dala ng climate change at krisis sa kalikasan. Nagkakaisa ang maraming siyentipiko na nararamdaman at nakikita na ngayon ng marami sa atin ang mga panganib at epekto ng climate change. Madalas na ang malalakas na bagyo, tagtuyot, at heat wave.
Ayon kay Dr. Lakeasha Sullivan, isang clinical psychologist mula sa Atlanta, parte umano ng buhay ang kawalang ng katiyakan. Tama naman siya. Walang kasiguruhan ang panahon ngayon, at makakaasa tayong laging ganito ito. Makakatulong sa ating mental wellbeing kung mas maaga nating matatanggap ang katotohanang ito. Normal naman ang mag-alala, ayon kay Dr. Sullivan. Ito ay bahagi ng pagiging tao natin.
Mahirap mang kontrolin ang ating sariling pag-iisip at damdamin, puwede naman tayong makahanap ng kaunting kapayapaan sa katotohanang ito: Maaari nating baguhin ang mga bagay na kaya nating maimpluwensiyahan, ngunit walang saysay ang mag-alala tungkol sa mga bagay na hindi natin kayang palitan.
(Itutuloy…)