SA MGA PANAHONG WALANG KATIYAKAN

(Pagpapatuloy…)
May mga suhestiyon ang siyensiya upang matulungan tayong pangalagaan ang kalusugan ng ating isipan at emosyon. Isa na rito ay ang pagiging mapagbigay at matulungin sa kapwa. Dahil dito, maaari nating masumpungan ang mas malalim na layunin sa buhay. Tumutulong din ito upang malabanan natin ang pagkabalisa, pag-aalala, at pagkataranta. Siyempre, makakatulong din kung bukas tayo sa pagkonsulta sa propesyunal o doktor para sa anumang problema sa mental health na ating nararanasan.

Ang ating pagtulong ay hindi naman kinakailangang malaking bagay. Ayon kay Dr. Steven Southwick ng Yale University School of Medicine, napakahalaga ng maliliit na gawa.

Puwede nating i-volunteer ang ating oras, tumawag sa kaibigang nangangailangan ng kausap, magbigay ng payo, mag-donate ng dugo o anumang halagang kaya natin sa isang charity na nais nating suportahan o di kaya ay sa community pantry sa ating lugar. Puwede nating ipamili ng groceries o gamot ang isang kapitbahay na may edad o may sakit, o kaya naman ay magbigay ng libreng lesson o workshop sa mga bata sa mga bahay-ampunan.

Ang mahalaga ay makahanap tayo ng mas malalim na layunin, yaong bagay na maaaring makatulong na makontrol natin ang ating emosyon.

Kung nakakatulong tayo sa ating kapwa o naiaambag natin ang ating kaalaman sa ikagaganda ng mundo, ang bagay na ito ay mistulang lunas para sa atin.

Kung gumagaan ang buhay ng iba dahil sa ating ambag, tayo mismo ang natutulungan ng gawaing ito.

Maraming paraan upang makatulong. Maraming bagay ang dapat gawin at maraming tao rin ang naghihintay lamang ng ating paglapit.