(Sa mga papasok sa PNP) MILF, MNLF DADAAN SA BUTAS NG KARAYOM

DADAAN sa butas ng karayom ang mga aplikanteng nais makapasok sa Philippine National Police mula sa hanay ng mga dating kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Col. Jean Fajardo, target ng PNP na mapunan ang kanilang 400 na quota ngayong taon na magmumula sa MILF AT MNLF.

Nabatid na mula sa 11,000 na mga MILF at MNLF na sumalang sa special qualifying exam ng National Police Commission (NAPOLCOM), 7,000 dito ang nakapasa at 1,000 ang may endorsement ng Bangsamoro Government.

Pahayag ni Fajardo, mula sa 1,000 na may endorsement, 700 dito ay mga dating MILF at 300 naman ang MNLF combatants.

Matatandaan na ang pagpasok ng MILF at MNLF sa PNP ay sakop ng Republic Act 11054 Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos ang paglagda sa peace agreement.

Nabatid na kasalukuyang sinasala na ng PNP ang mga dating miyembro ng rebeldeng grupo na nais makapasok sa kanilang organisasyon.

Sa ngayon, sumasailalim ang mga aplikante sa matinding background checking, physical examination,at masusing medical examination.

“Kapag nakapasa kayo sa BMI, magpo-proceed kayo sa next step. Subalit kung bumagsak kayo sa BMI palang ay hindi na kayo pwedeng magproceed sa mga succeeding phases. Kasama din diyan yung complete background examination para alamin din yung mga background ng ating mga aplikante para tingnan din, baka may mga previously criminal records,” ani Fajardo.

“Definitely that will be a ground for their disqualification at once matapos mo itong mga nasabi kong proseso ay ‘yung final board. Kapag matapos ito at makumpleto at makapasa at manunumpa.

Pagkatapos nilang manumpa ay kailangan nilang mag-undergo ng recruitment basic course na tatagal ng 1 taon, and after nun meron tinatawag na field training program na tatagal ng 6 months. Once matapos lahat ito ay sila ay magiging parte ng PNP at sila ay magkakaroon ng temporary appointment status,” paliwanag pa ng taga pagsalita.
VERLIN RUIZ