(Sa mga susunod na araw) PRESYO NG MANOK BABABA PA

Manok

INAASAHANG bababa pa ang presyo ng manok sa ilang pamilihan sa Metro Manila sa mga susunod na araw.

Ayon kay Atty. Jose Elias Inciong, pangulo ng United Broilers Raisers Association (UBRA), base sa kanilang monitoring, aabot sa P170 ang kada kilo ng manok pero bumaba na ito sa P160 kada kilo.

Sinabi ni Inciong na ang pabago-bagong presyo ng manok ay bunsod ng mahinang demand sa nakalipas na mga araw.

Bago ito ay tumaas ang presyo ng manok dahil sa pagmahal ng mga patuka tulad ng mais at sa pagsirit ng kaso ng COVID-19 noong Enero.

Samantala, kasabay ng pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo, karne at mga bulaklak ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mantika sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Sa Marikina Public Market, nagmahal ng P15 hanggang P50 ang coconut oil habang P20 hanggang P40 naman ang itinaas ng  presyo ng palm oil.

Sa Pasig Mega Market, P4 hanggang P40 ang iminahal  ng palm oil habang ang presyo ng coconut oil ay tumaas ng P5 hanggang P30.

Sa pahayag ng sub-dealer ng mantika sa Visayas Wet and Dry Market, patuloy ang pagmahal ng mantika dahil sa tumataas na presyo ng kopra.

Matatandaang sinabi ng Philippine Coconut Authority (PCA) na ang mataas na presyo ng kopra na ginagamit sa paggawa ng mantika ang nagtulak para itaas ang presyo ng mantika. DWIZ 882