(Sa mga susunod na buwan) PRESYO NG BIGAS TATAAS PA

BIGASAN

INAASAHANG magmamahal pa ang bigas sa mga susunod na buwan sa harap ng patuloy na pagsipa ng presyo ng abono at mga produktong petrolyo.

Ayon sa pag-aaral ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice), isang tanggapan sa ilalim ng Department of Agriculture (DA), ang patong sa presyo pa lang ng palay ay nasa P3.13 na kaya inaasahan ang pagtaas din ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.

Napag-alaman na sa kasalukuyan ay nasa P19 ang farmgate price ng palay at kung isasama ang gastos sa drying, milling, at transportasyon ay doble nito ang magiging retail price ng bigas.

Paubos na rin umano ang inangkat na bigas noong nakaraang taon at makaaapekto rin ang presyo ng abono at mga produktong petrolyo na ginagamit na farm input kaya inaasahan na ang taas-presyo sa bigas.

“Importation last year will have been mostly consumed by this time. Unfortunately, rice prices globally will also rise given high fertilizer and petrol costs which are farm inputs. If both factors above operate, it is expected, rice prices to rise,” pahayag ni DA Undersecretary Fermin Adriano.

Bukod dito ay kasalukuyan ding nagpapatupad ng rice export ban ang ilang bansa para maprotektahan ang kanilang suplay.