MAY naghihintay na mga benepisyo, kabilang ang fixed salary at Christmas bonuses — sa mga driver sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan, ayon sa mga lider ng public transport cooperatives.
Sinabi ni Pandacan Transport Service Multi-Purpose Cooperative (PTSMPC) chair Edmundo Cadavona na tatanggap ang PUV drivers ng fixed salary na may overtime pay, gayundin ng social benefits tulad ng SSS, Philhealth at Pag-IBIG.
“Aside from that, tumatanggap din sila ng 13th month pay and bonuses pagdating ng Kapaskuhan,” sabi ni Cadavona sa isang press conference na inorganisa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang PTSMPC ay nag-o-operate ng 60 PUVs at may 120 miyembro.
“Ibig sabihin, kung employee, driver ka may-ari na rin sila ng ating kooperatiba,” aniya.
Sinabi naman ni Ferdinand Lupangosy, chair ng 997 Sandigan Transport Service Cooperative (997), na may kabuuang 242 pamilya ang nakikinabang sa 35 modern PUVs na ino-operate ng kanilang kooperatiba.
“Ako po ay may 35 modern units na tumatakbo at ito po’y pinakikinabangan ng 93 members namin at 65 na drivers, 65 conductors, at allied workers na 16,” sabi pa niya.
Ayon kay Freddie Hernandez, chair ng Taguig Transport Service Cooperative (TTSC), ang modernisasyon ay isang mahirap na proseso, lalo na’t sila ang unang nag-avail ng PUVMP.
“Kami po ‘yung pilot ng modernization. Since 2018 po kami nag-start. Inilatag po ‘yan sa amin ng gobyerno at 2017 po ‘yung modernization,” ani Hernandez.
Aniya, ang PUVMP ay hindi lamang tungkol sa pagpapalit ng lumang PUVs ng mga bago, kundi hinggil sa pagkakaroon nila ng kabuhayan at pagkakaloob ng mas magandang serbisyo sa mga mananakay.
Kasunod ng deadline para sa consolidation sa ilalim ng PUVMP noong Dec. 31, iniulat ng LTFRB na nasa 76 percent ng PUVs na nag-o-operate sa fixed routes sa buong bansa ang nakapag-consolidate na o nakapag-aplay na para sa consolidation.
Sa National Capital Region, 97 percent ng PUVs ang consolidated na.
(PNA)