(Sa modernization, replication ng military facilities) P59.71-B KONTRIBUSYON NG BCDA SA AFP

UMAABOT na P59.71 bilyon ang naibigay na kontribusyon ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa Armed Forces of the Philippines mula Mayo, 1993 hanggang nitong nakalipas na taon ng Disyembre, 2022 .

Sa datos na ibinahagi ng tanggapan ng BCDA na pinamumunuan ni Former Defense Secretary Delfin Lorenzana, nakapaloob sa nasabing halaga ang P48.59 billion na sadyang inilaan para sa AFP Modernization Program at P11.12 billion naman para sa replication ng mga military facilities.

Kabilang sa mga pinakahuling proyektong ginastusan ng BCDA ang modernization and replication o paglilipat ng 12 hectares Philippine Marine Headquarters mula sa Fort Bonifacio sa Taguig at ililipat sa Morong Discovery Park sa Bataan na ginagastusan ng P28 million.

Ayon kay Lorenzana, bahagi ng relocation and replication program ang pagkakaloob ng BCDA ng 100 hectares ng kanilang lupain sa Morong Discovery Park para sa Philippine Marines Headquarters, na may 12 ektarya lawak kumpara sa Fort Bonifacio.

Nabatid na target ng pamahalaan na higit pang mapalakas ang kakayahan ng BCDA na kamakailan ay inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8505 o panukala na magpapalakas sa ahensiya.

Layunin ng may 231 kongresista na bumoto pabor sa panukala na mag-aamiyenda sa Republic Act No. 7227, ang batas na lumikha sa BCDA upang mas mapangasiwaan nito ang mga dating base at pasilidad ng militar gaya ng nasa Subic, Clark, Baguio City at Metro Manila.

Nabatid na ang RA 7227 ay naisabatas noong 1992 kaya kailangan na itong amiyendahan upang mas magawa ng BCDA ang mandato sa pangangasiwa sa mga dating base militar.

Sa ilalim ng panukala ay itataas ang kasalukuyang P100 bilyong kapital ng BCDA sa P400 bilyon at dinadagdagan din ng 50 taon ang termino ng prangkisa nito na maaari na muling palawigin sa hinaharap.

May kapangyarihan din ang BCDA na gawing residential o residential mixed-use ang bahagi ng lupang pinangangasiwaan nito upang makabili ng lupa ang mga nagtatrabaho sa economic zone.

Subalit, nililimitahan naman ng panukala sa limang porsyento ng kabuuang lupa ng economic zone ang maaaring gawing residential area.

Pinangunahan nina BCDA Chairman Lorenzana, BCDA President and CEO Engr. Joshua M. Bingcang at Philippine Marine Corps Commandant MGen Arturo M. Rojas ang ginawang groundbreaking ng mga kalsada utilities at preparatory works sa Morong Discovery Park at installation ng steel columns para sa Philippine Marine Corps grandstand.

“The start of construction works for Package 1 today will help us get closer to our goal of providing a new, modern and state-of-the-art headquarters for the Marines that will support the operational efficiency of our troops in responding to national threats; in delivering aid during calamities; and in fostering peace and order across the country,” pahayag ni Lorenzana. VERLIN RUIZ