HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Trade and Industry (DTI) na paigtingin ang pagpapalaganap ng impormasyon sa iniaalok ng gobyerno na soft loan na nagbibigay ng mas mahabang palugit sa pagbabayad at mas mababang interes, pati na ang financial grant programs sa mga micro, small at medium enterprises (MSMEs) na naapektuhan ng bagyong Odette.
Aniya,paraan ito upang mapigilan ang mga loan shark at online lending scheme na makapambiktima ng mga maliliit na negosyanteng may matinding pangangailangang pinansyal.
“Bago pa samantalahin o mahikayat ng mga iligal na nagpapautang ang sitwasyon ng mga pinadapang negosyo ng bagyong Odette, dapat nating ipaalala sa mga negosyong ito lalo na ang mga MSMEs na may pondo at programa ang gobyerno para sa kanila,” ani Gatchalian.
“Ang importante ngayon ay magkaroon sila ng pang kapital upang makabalik sila uli sa pagnenegosyo nang sa gayon ay maisalba ang mga trabaho at mapigilan din ang posibleng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin,” dagdag pa niya.
Maaaring mabigyan ng collateral-free loans ang mga MSMEs sa Small Business (SB) Corp., ang micro-lending arm ng gobyerno na nasa ilalim ng DTI. Sa pamamagitan ng programa nitong Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso (P3), sinabi ni Gatchalian na ang mga micro enterprise na may asset size na hindi hihigit sa P3 milyon ay maaaring humiram ng hanggang P200,000 na may 2.5% interest rate kada buwan.
Nasa ilalim din ng P3 Program ang Enterprise Rehabilitation Facility (ERF) na sumasaklaw naman sa mga microbusinesses na naapektuhan ng kalamidad o nasa mga lugar na madalas na makaranas ng mga kalamidad. Layon ng programang ito na agarang makapagbigay ng pautang sa mga microenterprises upang matulungan ang pagbangon nila mula sa kalamidad. Kinakailangang naideklara nang nasa ilalim ng state of calamity ang isang lugar para mag qualify sa naturang programa.
Sa pamamagitan ng mga ganitong programa ng gobyerno, sinabi ni Gatchalian na nabibigyan ang mga MSMEs ng alternatibong paraan upang punan ang pangangailangan nilang pinansiyal at maiwasan ang pagtangkilik nila sa mga informal lender o sa mga nag-aalok ng pautang na “5-6.”
Inanunsyo ni Trade Secretary Ramon Lopez ang pagpapalabas ng paunang P200 milyon na livelihood assistance para sa mga micro enterprises sa mga probinsiya sa Visayas at Mindanao na lubhang naapektuhan ng bagyong Odette.
Sa kanyang pag-iikot sa Maasin City sa Southern Leyte, Loboc sa Bohol, Surigao City at munisipyo ng Tagana-an sa Surigao Del Norte, nakita ng senador ang lawak ng pinsalang iniwan ng bagyong Odette.
Si Gatchalian ang pinaka unang elected national official na bumisita at nagbigay ng ayuda sa munisipyo ng Tagana-an matapos itong tamaan ng bagyong Odette, ayon kay Mayor Cesar Diaz Jr. VICKY CERVALES