(Sa nagsasagawa ng kilos protesta) RESULTA NG HALALAN RESPETUHIN- PNP

NANAWAGAN si Philippine National Police (PNPN) Director for Operations, Maj. Gen. Valeriano De Leon sa mga anti-BBM group na ipakita ang pagmamahal sa bansa at respetuhin ang resulta ng katatapos na halalan.

Ginawa ni De Leon, deputy commander ng National and Local Elections Task Force, ang panawagan makaraan ang sunod-sunod na banta ng protesta ng mga supporter ni Vice President Leni Robredo at nagpapakalat ng iregularidad sa halalan.

Sinabi ni De Leon na ang bintang na election irregularities at pagpapakalat ng maling impormasyon ay pambabastos sa sa electoral process ngunit sa isang banda ay masasabing may demokrasya dahil naipapakita pa ng mga raliyista ang kanilang damdamin.

“They have been claiming that there were election irregularities but up to now, they have not presented any credible piece of evidence that there were indeed irregularities. Mismong ang Comelec na at ang kanilang mga partner organizations ang nagsasabi na wala namang dayaan na nangyari, bakit ninyo ipipilit?,” ayon kay De Leon.

Kahapon ay nagsagawa ng Friday protest ang mga supporter ni Robredo at kinokondena ang umano’y iregularidad sa katatapos na halalan.

“Without any solid evidence, any claim of election irregularity is an insult to the teachers, the soldiers, the policemen, the Coast Guard personnel and other people who worked so hard and sacrificed a lot just to ensure the conduct of peaceful and credible elections,” dagdag ni De Leon.

Iginiit pa ni De Leon na lahat ay binigyan ng oportunidad na maghalal ng isa sa bawat posisyon at ngayon ay nagsalita na ang taumbayan, dapat na respetuhin kung sino ang pinakamaraming boses.

Tiniyak naman ng PNP na inobserbahan nila ang maximum tolerance sa pagharap sa mga protester bilang pagsunod kay PNP Officer-In-Charge Police Lt. Gen. Vicente Danao. EUNICE CELARIO