KUMPLETO nang na-i-turn over ng Kamara ang reward money sa Philippine National Police kaugnay sa pagkakapatay kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe.
Pinangunahan ni House Speaker Gloria Arroyo, Committee on Accounts Chairman Yedda Marie Romualdez, Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin at Negros Occidental Rep. Albee Benitez ang pagturn-over sa PNP ng P13 milyon na pabuya mula sa mga kongresista.
Personal na tinanggap ni PNP Chief Director Gen. Oscar Albayalde ang reward money.
Ayon kay Benitez, ang P30 milyon ay hinati sa tatlo- P15 milyon mula sa Ako Bicol Partylist, P2 milyon sa probinsya ng Albay at P13 milyon mula sa Kamara.
Kahapon ay P8 milyon ang ibinigay sa PNP dahil may nauna nang P5 milyon na naibigay ang Kamara noong nakaraang linggo.
Nasa 197 naman na mga kongresista ang nagbigay ng kanilang kontribusyon para sa pinatay nilang kasamahan na si Cong. Batocabe.
Matatandaan na kinantiyawan ni Pangulong Duterte ang Mababang Kapulungan dahil nauna nang naibigay ang P20 milyong pabuya mula sa pamahalaan pero ang pangakong P30 milyong reward money ng Kamara ay wala pa. CONDE BATAC
Comments are closed.