(Sa nalalabing bahagi ng taon – NGCP) WALA NANG INAASAHANG RED, YELLOW ALERTS

WALA nang inaasahang mga alert ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa nalalabing bahagi ng taon dahil bababa na ang demand sa koryente sa panahon ng tag-ulan.

“For 2024, wala tayong nakikitang karagdagang alert so far,” wika ni NGCP spokesperson Cynthia Alabanza sa isang press briefing sa San Juan City.

“Kapag mainit ang panahon, mas malakas ang konsumo ng koryente. Dahil umuulan na, hindi na mataas ang konsumo ng tao kaya dapat sapat na ang koryenteng dumadaloy sa transmission system,” paliwanag ni Alabanza.

Itinataas ng NGCP ang yellow alerts kapag ang operating margin ay mas mababa sa kinakailangang lebel para matugunan ang contingency requirement ng transmission grid.

Samantala, ang red alert ay nangangahulugan na hindi sapat ang power supply upang tugunan ang pangangailangan ng mga consumer at ang  regulatory requirements ng transmission grid.

Sa ilalim ng red alert ay napipilitan ang grid operator na magpatupad ng  manual load dropping o rotational brownouts upang mapanatili ang  integridad ng power grid.

Noong tag-init — Abril hanggang unang bahagi ng Hunyo ngayong taon – na pinatindi ng El Niño, ang NGCP ay nakapagtala ng 11 red alerts at 31 yellow alerts sa Luzon grid.

Walong red at 26 yellow alerts naman ang inisyu ng power grid sa  Visayas grid at 2 yellow alerts sa Mindanao grid.

Gayunman, sinabi ni Alabanza na ang inaasahang wala nang alerts na itataas sa grids ay magiging posible lamang kung hindi magkakaroon ng major outages ng power plants sa mga nalalabing buwan ng taon.