(Sa nasalanta ng lindol sa Morocco) PH MAGPAPADALA NG HUMANITARIAN CONTINGENT

INIHAHANDA na ng Department of National Defense ang isang humanitarian mission at deployment ng mga tauhan para magbigay tulong sa mga nasalanta ng lindol sa Morocco.

Ayon kay NDRRMC Undersecretary and Civil Defense Administrator Ariel Nepomuceno, ang nangyari sa Morocco ay isang paalala sa lahat na dapat ay patuloy na maghanda laban sa banta ng mga lindol.

“What happened to Morocco recently is a reminder to all of us to continuously prepare against the threat of earthquakes, especially the big ones. We sympathize with the affected communities in Morocco following the Magnitude 6.8 earthquake that hit its country’s High Atlas Mountains,” ani Nepomuceno.

Sa kasalukuyan ay pinag-aaralan ng ahensiya ang posibleng deployment ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) para tumulong sa Morocco.

Matatandaan na magnitude 6.8 na lindol ang tumama sa Morocco noong Setyembre 8 na ikinasawi ng mahigit sa 2,900 tao bukod pa sa libo libong nasaktan.

“We are looking into the possible deployment of the Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) to Morocco. The Office of Civil Defense (OCD), as the executive arm of NDRRMC, is already making arrangements for this,” dagdag pa nito.

Sakaling matuloy ang deployment ng humanitarian contingent ay bubuuin ito ng mga tauhan ng OCD, 525th Engineering Combat Battalion-Philippine Army, 505th Search and Rescue Group-Philippine Air Force, Bureau of Fire Protection-Special Rescue Unit, Metropolitan Manila Development Authority, Davao Rescue 911, at Department of Health.

Magugunitang noong Pebrero ay nagpadala rin ang OCD-NDRRMC ng 82-man Philippine Inter-Agency Contingent (PIAHC) sa Turkiye para tumulong din sa nasabing bansa matapos na yanigin ng magnitude 7.8 earthquake na kumitil ng 50,288 katao at ikinasugat ng 125,857 individuals. VERLIN RUIZ