(Sa natagpuang Cessna 206) PAGBABA SA LABI NG 6 PASAHERO PAHIRAPAN

SINAGUPA ng Philippine Army at ng iba pang kasapi ng retrieval team ang masamang panahon at peligrosong terrain para maibaba ang anim na bangkay na sakay ng bumagsak na Cessna 206.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, nahirapang marating ng retrieval team ang kanilang extraction point kung saan sila papalitan ng nag-aabang na second team na humahalili sa mga pagod na pagod ng grupo.

Sa pinaka huling ulat , bandang alas-12:54 kahapon nadala ng retrieval team ang labi ng piloto at mga pasahero Divilacan proper.

Hanggang kahapon ay inaantabayan ng Philippine Air Force na gumanda ang panahon para makapagpadala sila ng chopper na maghahatid naman sa mga bangkay sa Cauayan City.

Ayon kay Isabela Incident Management Team (IMT) head Atty. Constante Foronda Jr. na umaasa siyang maibaba ngayong Lunes ang mga bangkay kung makukuha ng Philippine Air Force Chopper para madala sa Cauayan City mula sa bulubunduking bahagi ng Divilacan .

Target ng IMT na madala ang mga bangkay sa Divilacan Town proper kahapon subalit hindi naging maganda ang weather forecast para sa mga choppers.

Nabatid na limang araw na ang nakakaraan nang matagpuan ang crash site na halos dalawang buwan na hinahanap.

Aminado ang Philippine Army na nahihirapan sila sa mano manong pagbababa ng mga labi .

“Difficult terrain and the area’s thick jungle are contributing to the difficulty of retrieving the bodies that take days,” anila.

Magugunitang hindi na nakarating ng Maconacon airport, ang nasabing eroplano mula nang nag-take off ito mula Cauayan airport noong Enero 24 lulan ang apat kabilang ang isang menor de edad na pasahero na dadalo sana sa lamay ng isang namayapang kamag anak. VERLIN RUIZ/EVELYN GARCIA