PINANGUNAHAN ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang paggunita sa Araw ng mga Bayani bilang pagkilala sa mga nagbuwis ng buhay para sa bansa at sambayanang Pilipino at sa mga makabagong bayani na patuloy na lumalaban sa sa giyerang dala ng COVID-19.
Binati nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at AFP Chief of Staff Lt.Gen. Jose Faustino ang lahat ng mga makabagong bayani ng bayan ngayong National Heroes’ Day.
Sa isang mensahe, inihayag Lorenzana na ang okasyon ay hindi lamang para sa mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng bansa kundi sa mga nagsusumikap na ipagtanggol ito mula sa mga sumisira sa institusyon at pamumuhay ng mga Pilipino.
Giit ni Lorenzana, magsilbing inspirasyon sana ang mga bayani ng nakalipas upang magampanan ng bawat isa ang kanilang tungkulin na magkaisa para sa kapakanan ng bansa.
Kasunod nito, hinimok ng kalihim ang publiko na maging bayani sa sariling paraan dahil ang makabagong kalaban na sumasakop sa bansa ay ang COVID-19 na hindi nakikita.
“In today’s challenges, let us continue to honor their sacrifices and remember that we can all be heroes in our own respective fields and in our own little ways,” mensahe naman ni Gen Faustino.
Ayon naman kay Faustino,dapat ipagpatuloy ang pagpaparangal sa mga bayani ng bayan na naghandog ng kanilang sarili, makamit lamang ang kalayaan at demokrasyang tinatamasa.
Sa kabilang dako,nilinaw ni Faustino na bawat Pilipino ay maaaring maging bayani sa kani-kanilang larangan at kahit sa maliit na pamamaraaan.
Naging tampok sa pagdiriwang ang pag-aaalay ng bulaklak sa Tomb of The Unknown Soldier at pagbubukas ng ‘Mga Bayani ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig’exhibit na pinangunahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea kasama ni Major General Henry Doyaoen, AFP Internal Auditor na tumayong military host.
Dumalo rin sa seremonya sina National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Chairman Rene Escalante; Taguig Mayor Lino Cayetano at Philippine Veterans Affairs Office Undersecretary Ernesto Carolina.
Habang si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagbigay naman ng kanyang video message para papurihan ang sakripisyo ng ating mga ninuno na lumaban para sa kalayaan at maging ang mga modern day heroes na lumalaban naman sa deadly COVID-19 pandemic.
“I join the entire Filipino nation in celebrating National Heroes’ Day. With pride and joy, we honor the noble sacrifices of our ancestors who fought to celebrate our country and establish the thriving democracy that we are today,” pahayag ng Pangulong Duterte. VERLIN RUIZ
Comments are closed.