(Sa nawalang 10-anyos na bata) MABILIS NA AKSIYON NG PINURI NG DILG

NAGBIGAY-PUGAY si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. sa liderato ng Makati Police at Southern Police District (SPD) sa mabilis nitong pag-aksyon sa kaso ng nawalang 10 anyos na bata sa Makati City.

“Sa mabilisang aksyon ng Makati Police at Southern Police District, sa pangunguna ni PBGen Kirby John Kraft at ng duty investigators na sina SSg Benjamin Ian Gran at PEMS Dominador Robles, natunton ang kinaroroonan ng nawawalang bata at ligtas na nabalik sa kanyang pamilya,” ani Abalos.

Dagdag niya: “Maraming salamat sa inyong agarang aksyon! Saludo tayo sa epektibo at maaasahang serbisyo ng ating kapulisan para sa ating mga mamamayan. Ito ang klase ng serbisyo publiko na kinakailangan upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa ating mga komunidad.”

Ayon sa ulat ng SPD, nawala ang bata umaga ng May 10, 2023 sa Brgy. San Antonio, Makati City. Nakuhanan ng CCTV sa kanilang lugar ang paglabas ng bata sa kanilang bahay.

Agarang nagsagawa ng imbestigasyon ang awtoridad matapos humingi ng saklolo ang magulang ng bata.
Bandang alas-7:30 ng gabi ay nakatanggap ang kaanak ng bata at ang pulisya ng video mula sa isang concerned citizen hinggil sa kinaroroonan ng nawawalang paslit na nag-udyok kay duty investigator Gran at Robles, na agad pumunta sa nasabing lokasyon.

Pagdating sa lugar bandang alas- 8:30 ng gabi ay nakita nila ang menor de edad na nasa mabuting kalagayan habang tinulungan ng babaeng concerned citizen na siyang nakipag-ugnayan sa kaanak ng bata. VERLIN RUIZ