(Sa NCR plus bubbles) 20 QUARANTINE CONTROL POINTS INILATAG NG PNP

NAGLATAG ang Philippine National Police (PNP) ng mga checkpoints sa ilang lugar na kabilang sa tinawag na ‘NCR Plus Bubbles’ na kinabibilangan ng Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan.

Ayon kay PNP Officer Officer in Charge P/Lt General Guillermo Eleazar, mahigpit na ipatutupad ang may 20 quarantine control points na inilatag sa mga boundary ng NCR Plus Bubble.

Alinsunod ito sa naging kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa PNP hinggil sa mahigpit na pagpapatupad ng border checkpoints sa mga hangganan na saklaw ng NCR Plus bubble para maiwasan ang pagpasok at paglabas ng mga non-essential worker at implementasyon ng uniform curfew hours mula alas-10 ng gabi hanggang ala-5 ng umaga.

Sinabi naman ni PNP spokesman Brig. Gen. Ildebrandi Usana na ilalatag nito ang border control sa mga hanggananng mga nabanggit na lugar kung saan umiiral ang general community quarantine (GCQ).

“Ang outbreak region po actually ay nasa NCR. Minarapat ng national go­vernment na lakihan pa ‘yung spread ng boundary hanggang doon sa apat na provinces para merong containment,” aniya.

Sa ngayon tanging ang essential workers lang mula sa non-GCQ areas ang maaring pumasok sa GCQ areas at kinakailangan nilang magpakita ng dokumento na magpapatunay ng kanilang employment status.

“‘Yung boundaries ng ‘NCR plus’, doon sa strategic areas kung saan nandoon ‘yung boundary ilo-locate ‘yung checkpoint. Now outside the boundary meron din po ‘yung border control kung sino po ‘yung papasok sa ‘NCR plus’. So kung sila ay essential worker definitely sila ay papayagan pero kapag non-essential workers sasabihan lang po yung papasok na bumalik na po,” dagdag pa ni Usana.

Dahil dito, limitado na ang pagbiyahe sa loob ng kanya-kanyang lalawigan kasunod ng pagpapalabas ng listahan ng mga lugar na nilagyan ng quarantine control points.

Nilinaw ni Usana, dalawang border control point ang ipatutupad na tinatawag na ingress at egress.
Ang mga itinalagang quaratine control points ay ang mga sumusunod:

Mula sa Bulacan hanggang sa boundary ng Pampanga, inilatag ang checkpoint sa: DRT Highway, Brgy. Bulualto, San Miguel Bulacan hanggang Gapan, Nueva Ecija; Brgy. San Roque Road, Baliuag hanggang Candaba, Pampanga Mac Arthur; Brgy. Gatbuca, Calumpit, Bulacan hanggang Apalit, Pampanga at Brgy San Pascual, Hagonoy, Bulacan hanggang Sapang Kawayan, Masantol Pampanga.

Sa NLEX Southbound exit kasama sa checkpoint ang Pulilan ext; Sta Rita ext.; Bocaue ext; Philippine Arena ext; Meycauayan ext at Marilao ext.

Sa Cavite-Batangas boundary naman: Brgy. Amuyong, Alfonso, Ca­vite hanggang Nasugbu, Batangas; Brgy. Sapatang 1, Ternate, Cavite hanggang Nasugbu, Batangas; Brgy. Sungay East at San Jose Tagaytay City hanggang Brgy. Guillermo, Talisay, Batangas.

Sa Laguna-Batangas boundary: Brgy. Makiling, Calamba City hanggang Sto. Tomas, Batangas; Brgy. San Agustin, Alaminos, Laguna hanggang Sto. Tomas, Batangas.

At sa Laguna-Quezon boundary naman: Brgy. San Antonio 2, San Pablo City, Laguna hanggang Tiaong, Quezon City ; Brgy san Antonio Luisana, Laguna hanggang Lucba, Quezon ; Brgy. Tunhac, Famy Laguna hanggang Real, Quezon At Brgy. San Isidro Majayjay Madlena Road hangganng Lucban, Quezon. VERLIN RUIZ

One thought on “(Sa NCR plus bubbles) 20 QUARANTINE CONTROL POINTS INILATAG NG PNP”

Comments are closed.