SA NFA ANOMALY: ‘WAG LANG IMBESTIGASYON, MGA KORAP PARUSAHAN!

GRABE ito, mahal na Pangulong Ferdinand ‘ ‘Bongbong’ Marcos Jr., parang walang takot ang mga tao mo na gumawa ng kabuktutan na ang epekto, lalong paghihirap ng taumbayan.

Pinakamatinding karahasan ay ang pagkagutom, ang kahirapan ng mamamayang Pilipino, at eto ang 139 na opisyal ng National Food Authority (NFA), imbes na mabawasan ang kagutuman, sila pa yata ang promotor ng korupsiyon!

Salamat sa Office of the Ombudsman (OMB) sa mabilis n’yong aksiyon sa pagsuspinde nitong Lunes, Marso 4, kina Administrator Roderico Bioco, Assistant Administrator for Operations John Robert Hermano, at sa 12 regional managers, 27 branch managers, at 98 warehouse supervisors.

Walang galang ang mga ito sa Pangulo at kay Agriculture Sec. Franciso Tiu Laurel Jr. at feeling ng tropa ni Bioco, holy cows sila at ni hindi man lang inabisuhan ang mga bossing nila na ibebenta nila ang rice buffer stocks sa mababang presyo na luging-lugi ang gobyerno.

At ibinenta ang bigas nang walang bidding sa mababang presyo sa kakutsabang rice traders — na ewan ko ba, masyado bang powerful ang mga ‘yan at hindi mapangalanan!
Duda ako, baka ismagler pa ang mga yan!

o0o
Maliwanag, these NFA officials failed the Filipino people; nilabag nila ang kanilang mandato na tiyakin na may sapat na nakaimbak na bigas sa loob ng 15-30 araw na mabibili at makakain ang mamamayang Filipino.

Yes, totoo, mandato rin na i-dispose ng NFA ang rice buffer stock bago humina ang kalidad at maging unsafe para kainin ng tao.

Pero, totoo bang unsafe ang ibinentang bigas sa halagang P25 per kilo, at alam ninyo ba, bago naging bigas, binili ng NFA ang palay sa halagang P23 per kilo?

Binili ng P23 per kilo ang palay, ipinagiling, inimbak, saka ibinenta nang walang bidding sa P25 ang bigas.

Bakit hindi sa taumbayan ibinenta, o kaya, pinagala ang Kadiwa stores, para may mabiling mas murang bigas ang mahihirap na pamilyang Filipino.

Ngayon, sa nangyari, pagtutubuan ng malaki ang murang bigas ng NFA na ibebenta sa nakukuba-na-sa-hirap na mamamayang Filipino?

Kundi ito economic sabotage, at kataksilan sa mamamayang Filipino, ano ang itatawag natin dito, Sec. Laurel?

Well, umasa na lang tayo, sa imbestigasyon, malalaman kung ilang metriko toneladang bigas ang ibinenta, at kung magkano ang naging lugi ng gobyerno sa maanomalyang transaksiyon.

At mabibisto na ang mga trader na kasapakat sa anomalyang ito?

o0o
Batay sa balita, si Sec. Laurel muna ang aaktong NFA administrator habang nakasuspindi ang tropa ni Bioco, at umaasa kami, maisasaayos niya ang takbo ng ahensiya na tiyakin ang food security sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na sapat na suplay ng pagkaing bigas na mabibili sa presyong makakaya ng karaniwang pamilyang Filipino.

Trabaho rin ng NFA na sa panahon ng emergency — tulad ng bagyo, lindol at mga sakuna at panahon ng tagtuyot at kapos sa aning palay, may nakaimbak na suplay na bigas, kasama ang mais, na mabibili sa mas murang halaga ang taumbayan.

Opo, mandato ng NFA na makabili ng mas murang bigas ang karaniwang Pinoy pero ano ang nakikita natin, patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas.

Isa pang nakaapekto para matupad ang mandato ng NFA, ito ay nang maging batas ang Rice Tariffication Law (RTL), kasi noon, tanging ang DA at NFA ang maaaring mag-mporta ng bigas.

Pero dahil sa RTL, itong private importers ay makapag-iimport ng bigas at bunga nito, sa halip na magmura ang bigas, ano ang ating naranasan: mas mahal pa ang presyo ng bigas na inimporta sa ibang bansa.

Dahil sa RTL ay walang habas ang importasyon ng bigas para ito na ang de facto NFA na ito na ang nag-iimbak ng bulto-bultong suplay ng bigas na itinatago sa mga bodega para makalikha ng artificial na kakulangan ng bigas na siyang sanhi ng pagtaas ng presyo ng ating staple food.

Bigo ang RTL na pababain ang presyo ng bigas!

Sana, sa kamay ni Sec. Laurel, marebyu niya ang epekto ng RTL kung ito ba ay nakatutulong sa pagbaba ng presyo ng bigas at kung ano ba ang epekto nito sa kabuhayan ng ating lokal na magsasaka.

o0o
Sinusulat natin ito, nasa kamay na raw ni Sec. Laurel ang mga pangalan ng rice traders na kasabwat sa pagbebenta sa mas murang presyo ng buffer stock ng NFA.

Aasahan natin ang pangako na uusigin niya, kakasuhan ang mga sangkot sa anomalyang ito.

Nagsasawa na po tayo sa puro imbestigasyon na lamang pero wala namang nangyayari.

Matatandaan ang imbestigasyon sa ismagling ng sibuyas, bawang, gulay at ibinisto ang pangalan ng mga ismagler at economic saboteurs.

Pero may nabalitaan ba tayo na magandang ibinunga ang imbestigasyon at may naipakulong na ba sa mga ismagler?

Buo ang pagtitiwala natin kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang mga sangkot sa anomalyang ito sa NFA ay mapaparusahan, maipakukulong ang mga korap sa ating gobyerno.

Panahon nang matigil ang puro ngawa, kailangan na nating makita ang gawa at nang makatikim na kahit konting ginhawa ang naghihirap na magsasakang Filipino, at ang karaniwang pamilya ng obrero, tindero, tricycle at mahihirap na karaniwang manggagawang Pinoy.

o0o
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected]