(Sa nilagdaang SIM card registration act) TEXT SCAMMERS WALA NANG LUSOT SA PNP

MALUGOD na tinanggap ng Philippine National Police (PNP) ang paglagda ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa SIM Card Registration Act.

Sa isang statement, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Brig. Gen. Roderick Augustus Alba, ang naturang batas ay magbibigay ng ngipin sa PNP sa paghahabol ng mga kriminal na nagtatago sa likod ng mga “anonymous” pre-paid SIM cards.

Aniya, naging karanasan ng PNP na noong kasagsagan ng pandemya, nagkaroon ng “shift” mula sa tradisyunal na krimen, tungo sa online crimes na gamit ang modernong komunikasyon.

Ayon kay Alba, nakapagtala ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ng 4,254 SIM card related offenses mula lang Enero hanggang Setyembre ng taong ito.

Hindi pa aniya kasama rito ang ibang mga kahalintulad na kaso na hinahawakan ng ibang ahensiya ng gobyerno at mga hindi nare-report.

Sinabi ni Alba na inaasahan ng PNP na matatanggap ng mga mamayan ang mandatory SIM card registration dahil ang mga benepisyo nito sa paglaban sa krimen ay higit sa anumang “privacy concerns”. EUNICE CELARIO