SA ‘NO BALANCE BILLING’ POLICY NG PHILHEALTH, SEGURADONG PANATAG ANG MIYEMBRO!

Philhealth Kaagapay Natin

PANAHON na naman ng tag-ulan. Ngunit pabago-bago pa rin ang klima. Minsan iinit, minsan bubuhos ang ulan.  Kaya hindi natin maiwasan ang magkasakit.

Mahirap pa naman ang magkasakit sa panahong ito na lahat ay nagtaasan na ang mga bilihin, ma­ging ang pabago-bagong presyo sa gasolina  at kung ano-ano pa. Tayo pa naman, kapag ganyang may dinaramdam sa katawan, mas gugustuhin pa na­ting sarilinin at mag-self-medication. Bibihira ang bumibisita sa doktor para magpakonsulta. Kung kailan malala na, saka pa lamang magpapatingin sa doktor. Ang resulta, biglaang pagpapaospital. Bagaman may mga pampubliko tayong ospital na may libreng serbisyo ay masasabi pa rin natin na napakagastos talaga ang maospital, hindi po ba? Mabuti na lang at may ‘No Balance Billing’ policy ang PhilHealth para sa kanilang mga miyembro.

Ano po ba ang ibig sabihin ng ‘No Balance Billing’ policy?

Ang ‘NBB’ ay isang polisiya ng PhilHealth kung saan ang isang kuwalipikadong kasapi ng PhilHealth ay hindi na sisingilin ng karagdagang bayarin para sa mga serbisyo na ibinigay ng mga pasilidad na accredited ng PhilHealth.

Karapatan ito ng mga kuwalipikadong miyembro ng PhilHealth kung saan ginagarantiyahan ng ating pamahalaan na wala silang dapat bayaran pa sa pagpapagamot sa lahat ng pampubliko at piling pribadong pagamutan sa bansa.

Sa NBB, sapat na ang bayad ng PhilHealth para matiyak ng pasilidad  na kumpleto at dekalidad ang serbisyong medikal na inuukol nito sa mga pasyente.

Sino-sino ang mga sakop ng NBB policy?

Sa kasalukuyan, ang saklaw ng NBB ay ang mga sumusunod: Mga miyembro mula sa Indigent at Sponsored Programs, kasama rin ang mga miyembro nating kasambahay, gayundin ang ating mga lifetime member at senior citizen. Huwag na­ting kalimutan na kabilang din sa sakop ng NBB policy ang kanilang mga qualified dependent.

Anong mga serbisyo at benepisyo ang sakop nito?

Lahat ng serbisyo at benepisyo ay sakop ng NBB. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga benepisyong sakop nito: lahat ng Case Rates, mga benepisyong Case Type Z, TB-DOTS Package, Outpatient Malaria Package, Animal Bite Treatment Package, Voluntary Surgical Contraception Package at Outpatient HIV/AIDS Treatment (OHAT) Package.

Saan maaaring ma­gamit ang ‘No Balance Bil­ling’?

Ang NBB ay kasalukuyang ipinatutupad sa mga sumusunod na pasilidad: pampublikong ospital, infirmaries, dispensaries, TB-DOTS centers, mga paanakan (lying-in clinics), Primary Care Benefits (PCB) providers, Animal Bite Treatment Centers, Treatment Hubs, ospital na maaaring magbigay ng Z Benefits Package, Ambulatory Surgical Clinics, Freestanding Dialysis Clinics, Peritoneal Dialysis Center at Outpatient HIV/AIDS Treatment (OHAT) Package.

Tandaan, ang NBB ay para lamang sa itinalagang service beds o PhilHealth beds. Kung walang available na service bed, magagamit pa rin ang NBB sa ibang hospital beds na ipagagamit ng pasilidad.

Sakop pa rin ng NBB policy ang serbisyo ng doktor at ibang propesyonal kaya hindi rin dapat maningil ang mga doktor sa mga mi­yembrong saklaw ng NBB maliban na lamang kung sila ay na-admit sa private room.

Bukod pa rito, katungkulan ng mga kinauukulan na tiyaking may sapat silang gamot para sa mga pasyente, lalo na sa mga NBB patient. Sakaling wala sa pasilidad ang kinakailangang laboratory/diagnostic tests, mananagot silang maisagawa ang mga ito nang wala ring dapat bayaran.



Kung kayo ay may anumang katanungan sa PhilHealth o sa paksang nailathala sa aking kolum, tumawag lamang sa aming 24/7 Corporate Action Center Hotline sa (02) 441-7442, magpadala ng sulatroniko sa [email protected] o mag-post ng komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/PhilHealth.  Maaari rin ninyong bisitahin ang www.philhealth.gov.ph para sa iba pang impormasyon.

Comments are closed.