(Sa Nobyembre 6) 45 PANG PINOY MULA SA ISRAEL UUWI NA

NAKATAKDANG dumating sa bansa ang 45 Pinoy mula sa Israel sa Lunes, Nobyembre 6, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Inihayag ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega ang magandang balita sa panayam sa ANC sa parehong araw na nakatawid ang dalawang Filipino doctors sa Gaza sa Rafah border sa Egypt.

Ayon kay De Vega, anim na Pinoy mula sa Lebanon ang nakatakda namang dumating ngayong Biyernes kasunod ng panawagan ng pamahalaan para sa voluntary repatriation sa gitna ng umiigting na bakbakan sa pagitan ng Israeli Defense Forces at ng Hamas.

Aniya, marami pang Pinoy sa Gaza at sa West Bank, na nasa ilalim ng Israel occupation at nagtala ng dumarAming insidente ng Israel settler attacks laban sa Palestinians, ang nais nang umuwi.

“There are two Filipinos in the West Bank who crossed the border to Jordan for repatriation, and we are working on that problem since they have no papers both for Jordan or the West Bank,” sabi ni De Vega.

Sa Gaza ay mayroon pa aniyang 134 Pinoy roon at 115 sa mga ito ang nais nang umuwi.

Itinaas ng DFA ang Alert Level 4 sa Gaza noong Oct. 15, na nangangahulugan na mandatory na ang repatriation ng mga Pilipino roon.

Sa kasalukuyan ay may kabuuang 123 Pinoy mula sa Israel ang nakauwi na.