(Sa November window ng FIBA Asia Cup 2021 qualifiers) PBA PLAYERS ‘OUT’ SA NAT’L TEAM

Tab Baldwin

SA NAGPAPATULOY na PBA Philippine Cup, ang mga PBA player at coach ay hindi magiging available para sa national team sa November window ng FIBA Asia Cup 2021 qualifiers.

Kinumpirma ni Gilas Pilipinas program director Tab Baldwin na inalis na nila ang posibilidad na kunin ang serbisyo ng professional players para sa Nobyembre sa pagbabalik ng FIBA competitions makaraang matigil ito sanhi ng COVID-19 pandemic.

“We don’t expect the PBA bubble to be able to be broken in any way,” wika ni Baldwin.

“So at this point, we certainly are ruling out the inclusion of PBA players and coaches.”

Pitong PBA players ang naglaro para sa Filipinas sa first window ng FIBA Asia Cup 2021 qualifiers noong Pebrero — team captain Kiefer Ravena, CJ Perez, Poy Erram, Justin Chua, Abu Tratter, Roger Pogoy, at Troy Rosario.

Sa pangunguna ni dating Ateneo de Manila University star Thirdy Ravena ay tinambakan ng Gilas ang Indonesia, 100-70, sa kanilang nag-iisa pa lamang na laro sa qualifiers sa kasalukuyan.

Ang koponan ay ginabayan ni TNT active consultant Mark Dickel, kasama sina Sandy Arespacochaga, Topex Robinson, at Alex Compton bilang kanyang assistants.

Lahat sila ay hindi magiging available para sa susunod na window sa Nobyembre  dahil sina Arespacochaga at Robinson ay nasa PBA bubble din, at si Compton ay umuwi na sa United States kasama ang kanyang pamilya.

Dahil dito ay nahaharap ngayon ang Gilas Pilipinas sa mahirap na sitwasyon, isang buwan na lamang bago ang susunod na window, kung saan inaasahang makakasagupa nila ang  South Korea atbThailand.

Sa kasalukuyan ay may limang players pa lamang ang koponan — Isaac Go, Matt at Mike Nieto, Allyn Bulanadi, at Rey Suerte. Ang lima ay pinili sa special PBA draft noong 2019 at ipinahiram sa national team program.

“That means that we have to either look at players who are overseas, that are domiciled overseas, which again are very difficult because they more than likely have schedules going on right now,” ani Baldwin.

Wala pa ring napipiling full-time head coach para sa national team ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).

Gayunman ay napag-alaman na kinokonsidera ng SBP si veteran coach Jong Uichico sa coaching staff.

Comments are closed.