AALIS si Marion Kim Mangrobang patungong India upang sumabak sa Olympic qualifying sa Asian Cup sa Pebrero 23.
Inamin ni Triathlon Association of the Philippine president Tom Carrasco na manipis ang tiyansa ni Mangrobang na mag-qualify sa 2020 Tokyo Olympics.
“To be honest, the chance of Mangrobang is very slim. She ranked 131 from the 100 borderline,” sabi ni Carrasco sa panayam ng PILIPINO Mirror sa National Aged Group Triathlon na ginawa sa Subic.
“Ok na. At least lumaban siya at unang Pinoy na sumali sa qualifying. Kahit very slim ang kanyang tsansa ay nananalangin ako na makalusot siya,” wika ni Carrasco, presidente ng Southeast Games Triathlon at Executive Board Member ng Asian Triathlon.
Matagumpay naipagtanggol ni Mangrobang ang kanyang korona na napanalunan sa Malaysia sa 30th Southeast Asian Games na ginanap sa bansa.
Nag-ensayo si Mangrobang, tubong Santa Rosa, Laguna, sa Portugal at Australia bago ang SEA Games. Si Mangrobang ay isa sa maraming lumalaban sa qualifying competitions na ginagawa sa iba’t ibang bansa.
Sina pole vaulter Ernest John Obiena at gymnast Carlos Yulo ang unang dalawang Pinoy na nag-qualify sa Tokyo Olympics. CLYDE MARIANO