DUMAGSA sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang mga biktima ng mga sensational na krimen, kanilang mga pamilya at kamag-anak, upang ipahayag ang kanilang pasasalamat at pagsisikap ng mga operating unit ng NCRPO at limang Police District nito na humantong sa pagkakaaresto sa mga suspek sa pamamagitan ng pagse-serve ng warrant of arrest.
Kabilang sa mga krimeng ito ay ang pagpatay, panggagahasa, pagnanakaw na may homicide at iba pang kasuklam-suklam na imoral na gawain.
Sa ginanap na press briefing, iniulat ni DRDO BGen. Jack L Wanky na kumakatawan kay NCRPO Chief MGen. Jonnel C Estomo na 470 katao na may standing warrants of arrest ang nahuli sa sabay-sabay na pagsasagawa ng isang linggong One-Time-Big-Time operasyong inilunsad ng limang distrito at regional operating units ng NCRPO mula nitong Enero 23 hanggang 29.
Layunin ng nasabing operasyon na matiyak ang mas maging maayos ang pagsasagawa ng anti-criminality at anti-illegal drug campaign sa Metro Manila.
Dahil dito, umaabot sa P 10,762,239.60 na iligal na droga ang nasamsam sa isinagawang 348 police operations na nagresulta sa pagkakaaresto sa 486 na personalidad ng iligal na droga.
Samantala, 17 katao ang naaresto sa 17 operasyon na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 19 na loose firearms sa parehong operasyon.
Nagpahayag naman ng papuri si Estomo sa walang patid na pagsisikap ng kanyang mga tauhan sa pagsasagawa ng mga operasyon upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan sa Metro Manila o NCRPO ng bansa. EVELYN GARCIA